US casino turned off by corruption in PH

Posted at Feb 23 2012 09:48 PM | Updated as of Feb 24 2012 05:49 AM

Nang makausap ng ABS-CBN North America Bureau si Steve Wynn noong 2008, walang tigil ang papuri nito sa mga Pilipino.

Nagpahiwatig rin ang chairman ng Wynn Resort na kung mabibigyan ng pagkakataon, interesado siyang magtayo ng casino sa Pilipinas.

"My company in Macau has the most wonderful group of boys and girls from the Philippines, the best! The absolute best -- they're the most beautiful, they have the most wonderful smiles. The greatest service personality for hospitality in the world are the people of the Philippines,” sabi ni Wynn.

Taong 2012, iba na ang tingin ng kanyang kompanya sa ating bansa.

Nagsampa ng demanda ang Wynn Resorts laban sa direktor nilang si Kazuo Okada na diumano'y nanunuhol ng mga pinuno ng PAGCOR para makakuha ng gaming license sa Pilipinas.

Kalakip ng demandang ito ang internal investigation na ginawa ng Wynn Resort sa gaming industry sa Pilipinas.

At lumalabas na noon pa palang isang taon, napagpasyahan na ng Wynn Resort na huwag nang mamuhunan sa Pilipinas dahil talamak at malalim ang katiwalian sa gobyerno, partikular sa mga regulators ng gaming industry.

Nakasaad din dito na duda ang U.S.-based casino giant na kakayaning sugpuin ng bagong upong Pangulong Aquino ang pangungurakot sa gaming industry, at ang paniniwalang hindi papasa sa American compliance and transparency standards ang patakbo ng PAGCOR.

Sa kabila nito, patuloy pa ring sinuyo ni Okada ang mga pinuno ng PAGCOR para makipagnegosyo.

Ito ang $6,000 hotel suite na tinuluyan diumano ni dating PAGCOR Chairman Efraim Genuino at kasalukuyang Chairman Cristino Naguiat at kanyang pamilya sa Wynn Resort sa Macau.

Sinasabing gumastos umano ng mahigit $100,000 si Okada para asikasuhin lamang ang mga PAGCOR chairmen, kaya tuluyan na siyang idinemanda ng Wynn Resort dahil sa paglabag umano ng mga batas sa Amerika laban sa panunuhol sa mga dayuhan sa ngalan ng pagnenegosyo. Bev Llorente, Patrol ng Pilipino