EXCL: PNoy ‘double standard’ for PAGCOR hit

Posted at Feb 24 2012 12:01 AM | Updated as of Feb 24 2012 08:01 AM

Dismayado ang analyst na si Winnie Monsod at si House Deputy Minority Leader Mitos Magsaysay dahil sa agarang pag-absuwelto ng Malacañang sa PAGCOR sa alegasyong sinusuhulan ang paumunuan ng ahensya ng Japanese billionaire at gaming tycoon na si Kazuo Okada. Dapat daw kasi ay inimbestigahan muna ni Pangulong Aquino ang mga alegasyon bago niya sinabing inosente si PAGCOR Chairman Cristino Naguiat Jr.

Classmate at malapit na kaibigan daw kasi ni Aquino si Naguiat.

“Pag kaibigan acquitted, pag kalaban, talagang guilty,” ani Monsod.

"'Pag nasasangkot sa problema o impropriety 'yung appointees ni PNoy, laging naaabsuwelto sila eh," sabi ni Magsaysay.

Binatikos din nila ang paliwanag ng PAGCOR na nagiging kalakaran sa gaming industry ang paglilibre sa mga bumibisitang VIP casino operators at stakeholders.

Mali raw ito dahil hindi pribadong kumpanya ang PAGCOR, kundi ahensiya ng gobyerno na siya mismong nagre-regulate sa industriya.

“My God, it has no business whatsoever accepting this kind of freebies. It's not a private corporation. The PAGCOR is not a sari-sari store that belongs to President Aquino. The PAGCOR is a government corporation with responsibilities to the Filipino people,” sabi pa ni Monsod.

Pero nanindigan ang PAGCOR, walang panunuhol na naganap.

Kusa rin daw na nagpaliwanag si Naguiat kay Aquino bago pa man pumutok ang balita sa media.

Agad daw siyang pinaniwalaan ni PNoy dahil kilala ng pangulo ang kanyang pagkatao.

“Nothing was excessive there, because they were all within limitations and guidelines of PAGCOR for foreign travel,” sabi ni Atty. Jay Santiago, chief legal counsel ng PAGCOR.

Handa rin daw sila humarap sa imbestigasyon ng House committee on games and amusement sa Lunes. Jing Castaneda, Patrol ng Pilipino