EXCLUSIVE: 'Many politicians, celebs take cocaine'

Posted at Feb 23 2011 11:14 PM | Updated as of Feb 24 2011 12:03 PM

Si “Max” ay isang deep penetration agent ng mga drug enforcement groups sa bansa.
 
Nagpapanggap siyang gumagamit ng cocaine, bumibili at nagbebenta para malaman ng mga awtoridad kung sino ang mamanmanan hanggang sa mahuli.
 
Ayon kay Max, nakakasama niya mismo o nakikita ng sarili niyang mga mata kung sinu-sino ang mga personalidad na ito na marami aniya ay mga artista at mga pulitiko.
 
Hanggang hindi nahuhuli ang mga taong ito ay hindi raw maaaring ilantad ang kanilang mga pangalan.

Sa show biz ay marami raw kilala si Max mula sa mga istasyon ng Dos, Siyete at Singko. Kasali na raw dito ang mga sexy at action stars.

Ayon kay Max ay nakaka-jamming din niya ang mga pulitiko. Kadalasan ay mga congressman daw mismo ang mga ito.         
Ang ibang kongresista raw ay nakaupo pa rin sa puwesto, habang ay iba ay wala na.

Madalas daw na ang jamming ng mga kilalang personalidad ay sa mga pribadong bahay, ngunit pangkaraniwan na rin ang paggamit, at bentahan ng cocaine sa mga kilalang club ngayon sa siyudad. 
 
Hindi naman nagbebenta mismo ang mga club na ito.
 
Nagkataong dito lang matatagpuan ang mga  gumagamit at nagbebenta nang patago sa ilalim ng mesa o sa mga comfort rooms. 

Binanggit ni Max ang Dolce sa Quezon City, Encore sa Taguig, Pharaoh at Icon sa Makati.  

"Madami pa pong club," aniya.

Kinuha naman ng ABS-CBN News ang panig ng mga may-ari ng club na ito kung nalalaman nila ang nagaganap sa kanilang teritoryo.
 
Ayon sa pamunuan ng Dolce at Pharaoh ay unang beses nila itong narinig at hindi nila ito kukunsintihin.
 
Sa panig naman ng Icon, handa silang i-ban ang sinumang tutukuyin ng agent na gumagamit ng  cocaine.
                                                           
Ang Encore naman ay nagpadala ng  statement na nagsasabing hindi nila kinukunsinti ang paggamit at pagbebenta ng mga iligal na droga sa kanilang mga establisimento.

Nang tanungin kung bakit hindi hinuhuli ang mga sangkot, ani Max, hindi ganoon kadaling huliin ang mga ito dahil malalaki ang mga pangalan nito.

Kailangan daw mapatunayan gumagamit sila bago huliin. Korina Sanchez, Patrol ng Pilipino