Experts warn vs disobeying SC's TRO on bank accounts

Posted at Feb 10 2012 09:39 PM | Updated as of Sep 10 2019 01:08 PM

Watch also in iWantTFC

Nagbukas ng dollar account si Dei dahil mas malaki ang interes nito kaysa sa ordinaryong peso savings account.

Sabi ni Dei, okay lang bulatlatin ito ng gobyerno.

“That’s hard-earned money, alam ‘yan ng tao. Wala naman akong tinatago,” sabi ni Dei.

Pero para kay Jacqui at sa mga kaibigan niyang overseas Filipino workers, gusto nilang panatilihing pribado ang kanilang dollar accounts para sa kanilang seguridad.

“Anything with a dollar sign, it glitters... Baka holdapin o looban,” sabi ni “Alma."

Pinoproteksyunan ng batas ang mga depositor na tulad nina Dei at Alma.

Ayon kasi sa Section 8 ng Republic Act 6426 na ipinatupad noong 1974, confidential ang anumang foreign currency deposit na tulad ng dollar accounts.

Puwede lang itong busisiin ng gobyerno kapag pinayagan ng depositor.

Ito rin ang batas na pinanghawakan ng Korte Suprema nang maglabas ito ng temporary restraining order (TRO) sa pagbusisi ng umano'y dollar accounts ni Chief Justice Corona.

Sabi ng mga eksperto sa Saligang Batas, kailangan sundin ng Senado ang TRO dahil sakop ng kapangyarihan ng Korte Suprema ang interpretasyon ng batas.

“Everybody has to accept that. Not because the Supreme Court is superior but because the Constitution says so. All of them bow to the Constitution, it just so happens that the responsibility of interpreting the final meaning of the law is given to the Supreme Court,” sabi ni Fr. Joaquin Bernas, dean emeritus ng Ateneo Law School.

“Kung mapagpasiyahan nila na ibalewala ang TRO ng Supreme Court, ang mag-suffer diyan ay ang rule of law. Mag-uumpisa na ang hindi pagtupad sa mga utos ng mga hukuman,” sabi ni Fr. Ranhilio Aquino, dean ng Graduate School of Law sa San Beda College.

Sa ngayon, may ilang mga panukala na sa Kongreso para amyendahan ang foreign currency act.

Aminado ang mga eksperto sa batas gaya ni Fr. Bernas, posibleng abusuhin ng mga tiwaling opisyal ang dollar accounts para itago ang kanilang mga nakaw na yaman.

Pero hangga't umiiral ang batas na ito, kailangan itong sundin. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino