Photo shows Llamas buying pirated DVDs in QC

Posted at Jan 25 2012 09:03 PM | Updated as of Jan 26 2012 11:01 AM

Namamasyal lamang sa mall noong Lunes ang mamamahayag na si Dona Policar nang mapansin si Presidential Adviser on Political Affairs na si Ronald Llamas na bumibili raw ng pirated DVDs.

Ani Policar, “Una hindi ko siya ma-recognize eh. ‘Yung husband ko ‘yung naka-recognize sa kanya. ‘Ano ka ba?’ sabi niyang ganon.”

Tila wala raw kamuwang-muwang si Llamas na inabot ng halos 30 minuto sa pamimili ng DVDs, habang naghihintay sa tabi ang dalawa niyang body guard at iba pang kasama.

“Kaya medyo malabo eh, walang flash para maging medyo discreet lang ‘yung picture niya,” kuwento ni Policar.

Halos P2,000 halaga raw ng DVD ang nabili ni Llamas ayon sa mga vendor na nakausap ni Policar.

Dagdag ni Policar, “Nagtataka ako, napakakampante kasi niya na namimili. Another stall vendor volunteered the information that ‘Regular ‘yan dito.’”

Sa Circle C Mall sa Quezon City umano namataan si Llamas, pero nang balikan ng ABS-CBN News ang mall kanina, wala na ang mga nagbebenta ng pirated DVDs doon.

Ayon sa management ng mall, ipinagbabawal nila ang bentahan ng piniratang DVD, pero meron pa ring nakakalusot.

Aminado naman si OMB Chairman Ronnie Rickets na dismayado siya sa lumabas na ulat tungkol kay Llamas, pero hinihintay pa niyang marinig ang panig nito.

“Sa consumers sana, huwag na silang bumili o huwag na silang mag-tolerate na kagaya ng nangyari. Nagiging lesson tuloy eh na parang negative ang dating sa kanya, so I hope that he could also air his side,” sabi ni Ricketts.

Ayon naman kay Pangulong Noynoy Aquino, hahayaan muna niyang magpaliwanag si Llamas sa bagong kontrobersiyang kinasangkutan.

“May dadaanan tayong proseso. Tatanungin ko muna si Llamas, ‘Ito ang accusations mo, ano ang masasabi mo?’ Pasensya na ho hindi po ito ang number 1 sa priority ko,” aniya.

Oktubre ng nakaraang taon nang mahuli naman ang mga bodyguard ni Llamas na tila ipinupuslit ang kanyang CZ 858 assault rifle matapos maaksidente ang SUV na sinasakyan.

Binatikos noon si Llamas sa pag-aari niya ng mga ganoong malalakas na armas.

At dahil sa panibagong kontrobersya na namang ito kaugnay ng pagbili ng pirated DVD, pinagbibitiw na ng ilang kongresista si Llamas.

Giit ni Rep. Danilo Suarez, “Those 2 actions should be given some action by the administration, kasi masamang ehemplo ‘yan.”

Sinubukan naming kunin ang panig ni Llamas ngunit hindi makontak ang kanyang mga cell phone. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino