Police probing link between Lozano and Evangelista killings

Posted at Jan 19 2011 12:17 AM | Updated as of Jan 19 2011 11:50 AM

Wala pang idinedeklarang suspek ang mga pulis bagama't sinasabi sa press conference kanina na may mga lead na silang sinusundan.

Kung pagbabasehan ang pahayag kanina ng mga pulis, umuusad naman talaga ang imbestigasyon. Sinadya lang nilang hindi ilahad sa publiko ang lahat ng nakukuha nilang detalye.

Hindi nawawalan ng pag-asa si Atty. Oliver Lozano na malulutas sa lalong madaling panahon ang kaso ng pagpatay sa anak niyang si Emerson.

Sa burol, sinabi ni Atty. Lozano na meron silang testigo. Hindi idinetalye ng abugado kung sino ang testigo pero naniniwala siyang malaki ang maitutulong nito.

“Sign na 'yon na 'yung itinatag na task force ay successful ang kanilang operation. Nagkaroon ng faith ang citizenry na magbigay ng impormasyon,” ani Atty. Lozano.

Inaasahan din ng Philippine Nation Police na lalakas pa ang pagbibigay ng impormasyon sa kanila ngayong isang tao na hindi nila pinangalanan ang nag-alok ng kalahating milyong pisong pabuya sa sinumang magbibigay ng impormasyong makalulutas sa kaso.

Ang inaalam ngayon ng mga pulis ay kung magkakaugnay ang pagpatay kay Emerson Lozano at sa katrabaho nitong si Ernanie Sensil sa pagpatay kay Venson Evangelista na natagpuan naman ang bangkay sa Nueva Ecija.

“Is this carnapping or not? Are lozano and Evangelista connected to each other or not? Is there any relationship between the two being car traders,” mga tanong na sinabi ni Chief Supt. Leonardo Espina, hepe ng PNP Highway Patrol Group.

“Ang manner ng pagkakasunog din, ayon sa report ng ating crime laboratory, ay through the use of kerosene,” dagdag naman ni Chief Supt. Benito Estipona, hepe ng Task Force Lozano.

Hiwalay na kaso ang pagkawala at pagkakapatay kay Evangelista na ngayon ay unti-unti na ring lumilinaw sa mga nag-iimbestiga.

“According to the witnessses, mayroong isang gay who introduced himself as Allan Torres and then mayroong isang mekaniko na kasama na pinagbigyang magkaroon ng test drive. However, nu'ng paikot-ikot nang ganu'n, mayroong napansin na isang green Pajero at noong makita na 'yung Pajero na 'yun, biglang tumigil na 'yung involved na sasakyan, a Land Cruiser, at may pumasok nang isang tao coming from the green Pajero,” kuwento ni Chief Supt. Benjardi Mantele, hepe ng Task Force Venson.

Kanina, dumalaw sa burol ni Emerson Lozano si Ilocos Norte congresswoman Imelda Marcos at si Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Kung mabigyang-linaw, pagsasamahin na ng PNP sa iisang task force ang imbestigasyon sa kasong ito at sa kaso ni Venson Evangelista.

'Yung sasakyan na pinag-uusapan natin kagabi, 'yung silver na Kia Carnival na ibinebenta sana ni Emerson Lozano, pati 'yung green Land Cruiser na ibebenta sana ni Venson Evangelista, parehong hindi pa natatagpuan. Kung matunton 'yung mga sasakyan na 'yun, sinabi ng PNP na malaking breakthrough ito sa imbestigasyon na maaring magturo na kung sino ang nasa likod ng pagpatay na ito.

Kanina naman, matapos makipagpulong ni Atty. Lozano kay Justice Secretary De Lima, sinabi ni Lozano na dalawa na ang testigo nila sa pagpatay sa kanyang anak. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino