Aswang umatake sa Cotabato?
Posted at May 27 2015 04:46 PM | Updated as of May 28 2015 12:46 AM
Apat na katao ang sugatan kabilang na ang isang apat na taong gulang na bata, dahil sa di umano'y pag-atake ng aswang na nag-korteng pusa sa Barangay Tapudok, Aleosan, North Cotabato.
Mula sa sentro ng bayan ng Aleosan, kinailangan pang bumyahe ng 15 kilometro bago marating ang Sitio Upper Tapudok sa nasabing barangay. Dito sinasabing nakagat ang apat katao ng sinasabing aswang.
Ayon sa kanila, kinagat sila ng malaking itim na pusa na kanilang tinawag na aswang.
Isa sa kanila si Datu Ali Alamada, 15-taong gulang, na natutulog na umano pasado alas onse kamakalawa ng gabi nang makaamoy ng masangsang na amoy saka niya nakita ang pusa.
"Malaki siya, maitim, tapos malakas. Natulak niya ako tapos hindi na ako nakatayo. Takot na takot ako at umiyak na lang,'' ani Alamada.
Ayon sa biktimang si Hamida Kunting na nagtamo ng sugat sa braso, hindi umano niya namalayan na nasugatan na pala siya mula sa kagat ng sinasabing aswang.
''Naramdaman ko na lang na parang malamig sa may kamay ko. Pagtingin ko ang dami na ng dugo. Parang pusa na malaki, kulay itim,'' aniya.
Ayon sa ilang mga nakasaksi, mula sa pagiging pusa ay nag-korteng tao ang umatake.
Halos lahat ng bahay sa Sitio Upper Tapudok ay may nakasabit na sa mga dingding tulad ng dahon ng suha, gaas, at bawang para hindi raw sila lapitan ng aswang.
Dahil sa pag atake ng sinasabing aswang, nagpa-patrolya na ang mga kalalakihan sa Barangay Tapudok gabi-gabi upang kahit papaano'y mapanatag ang kalooban ng mga residente sa lugar.
- Umagang Kay Ganda, 27 May 2015
odd,Aleosan,latest video,aswang,Umagang Kay Ganda,North Cotabato,Classified Odd,Section Main Story