Pinoy father and son win reality cooking show

Posted at Sep 03 2010 02:15 AM | Updated as of Sep 03 2010 10:15 AM

Nagbida ang mag-amang Pilipino, pati na ang lasang Pinoy sa reality show na "24-Hour Restaurant Battle” sa Food Network.

Ang hamon - magtayo ng tunay na restaurant na may panalong menu sa loob ng 24 oras at dapat itong makahikayat ng mga customer.

General-manager sa isang restaurant si Andrew Dizon at postal worker naman ang ama niyang si Ladd

Sanay magluto para sa pamilya ang mag-ama na taga Teaneck, New Jersey, pero malaking hamon ang magluto para sa 75 tao at televised pa.

Tinawag nilang “Noy” ang kanilang restaurant. Ang menu: oxtail kare-kare, beef lengua, ampalayang may hipon, lumpia ang pampagana at banana turon at ice cream ang panghimagas.

Sabi ng mga judge masyadong ethnic o banyaga ang mga pagkaing niluto ng mag-amang Dizon
at baka hindi mag-click sa mga Amerikano.
 
Sa simula, tinangkilik ng mga customer ang kanilang kalaban -- ang magkaibigang chef na vegetarian restaurant ang pambato.
 
Pero nang lumaon, naakit ang mga customer sa lumpia sampler ng mga Pinoy.

Sa huli, ang Pilipinong menu, serbisyo at itsura ng restaurant ang nagpanalo sa kanila.

Nagwagi ng $10,000 ang mag amang Andrew at Ladd, pero mas mahalaga raw para sa kanila ang karanasang lalong nagpalapit sa kanilang buong pamilya. – Ging Reyes, Patrol ng Pilipino