Holy Week destination: Mystical cave in Antipolo

Posted at Mar 28 2012 02:57 PM | Updated as of Sep 10 2019 01:30 PM

Watch also in iWantTFC

Mga biblical images na gawa ng kalikasan, iyan ang dinarayo ng mga deboto sa Antipolo City tuwing sasapit ang Mahal na Araw – ang Inday Nelly Mystical Cave.

Sa pagpasok sa kweba ay bubungad ang hugis templong paligid na animo’y ikaw ay nasa isang cathedral. Sa harap ay makikita ang imahe ng Pieta, si Maria na bitbit-bitbit ang walang buhay na katawan ni Hesus.

Mula sa mga anino ng mga bato, mabubuo ang imahe ng Mount of Calvary, lugar kung saan ipinako ang Panginoong Hesus, at ang imahe ng isang kamelyo na may katabing babaeng nagdadalang-tao na gaya nang sa Visitation of Blessed Virgin Mary.

Sa gawing gitna ng kweba, makikita ang imahe ng Holy Trinity – ang Diyos Ama na nakaupo sa kanyang trono, ang mukha ni Hesus, at ang kalapati na sumisimbolo sa Banal na Espiritu.

Makikita rin ang Bath Tub of Judah na di umano ang tubig na nagmumula rito ay nakakapagpagaling ng mga sakit told ng high blood pressure, hika, sakit sa puso at mga kati-kati sa katawan.

Ang Serpent of Eden naman ay isang mapanuksong ahas at sa likod ang magkayakap na sina Adan at Eba.

Hindi rin mawawala sa lugar ang iba’t ibang mga simbolismo tulad ng Wishing Heart kung saan maaari kang magtirik ng kandila para ipanalangin ang iyong buhay pag-ibig.

Isang nakatalikod na agila naman ang tinatawag nilang Eagle of Pride at isang nakatalikod na tupa ang Sheep of Humanity ang sumisimbolo sa dalawang uri ng tao – ang taong mapagmataas at taong mapagkumbaba.

Sa paglibot sa kweba, mararamdamang parang malapit ka sa Diyos dahil maging sa kalikasan ay kanyang ipinapakita ang kanyang kapangyarihan.

Umagang Kay Ganda, March 28, 2012