ALAMIN: Paano nga ba makakaiwas sa bulutong?

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2022 10:03 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Kamakailan lang naiulat na tumataas ang mga insidente ng chickenpox o bulutong sa mga bata sa mga batang mag-aaral.

Pinapayuhan ang mga magulang na protektahan ang mga anak nila laban sa nakakahawang sakit na ito na maaaring makuha sa mga paaralan. 

Pero paano nga ba mapoprotektahan ang mga bata laban sa bulutong?
Para sa pediatrician na si Dr. Cynthia Cuayo-Juico, pagpapabakuna ang pinaepektibong panlaban sa chickenpox.

“Yung bulutong, chickenpox ang tawag natin doon, ay merong vaccine. Nag-i-injection tayo nyan after 1 year of age, pag natapos na yung (bakuna kontra) mumps, measles, german measles, nag-i-injection tayo ng anti-chicken pox,” paliwanag niya.

“Tapos inuulit natin yan, 5-6 months,” aniya.

Ang mga nakatanggap na ng bakuna kontra-bulutong ay malabo nang magkasakit nito, aniya. 

Paaalala ni Juico, bukas na ulit ang karamihan sa mga ospital sa bansa para magbigay ng bakuna sa mga bata, katulad ng bakuna kontra bulutong, tigdas, at beke.

Pero aniya, kung nagpapakita na ng sintomas ng bulutong ang bata ay wag na itong papasukin sa paaralan. 

“Pagka naglalagnat na mga bata, huwag na nating papasukin. Tapos ang bulutong kasi yung para siyang mamaso. Pag nakakita na kayo noon, eh stay na lang sila muna sa bahay para hindi na magkalat,” aniya.

--TeleRadyo, 2 December 2022