PatrolPH

Bakit mahalaga ang advent para sa mga Kristiyano?

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2021 04:13 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Ilang linggo na lamang bago ang Pasko, paalala ng isang pari ng Simbahang Katoliko na pahalagahan ang advent bilang paghahanda sa pagsalubong sa kapanganakan ni Hesu Kristo.

Ayon kay Fr. Nante Tolentino, rector ng Antipolo Cathedral, ang advent ay apat na linggong paghahanda sa selebrasyon ng unang pagdating ng Panginoong Hesu Kristo. 

Ngayong araw ng Linggo ang simula ng taunang tradisyon na paghahanda rin aniya sa muling pagbabalik ng Panginoon, bagaman hindi pa tiyak kung kailan ito mangyayari.

Paliwanag niya, 4 na kandila ang nakalagay sa advent wreath, para sa apat na linggo bago mag-Pasko. Tatlo sa mga kandila ay kulay purple, habang pink naman ang isa. 

Ang unang dalawang linggo, na may katumbas na parehong purple candles, ay nagsisimbulo ng pagtitika.

Ang huling dalawang linggo naman, na may katumbas na pink at purple na kandila, ay para sa pagpapakita ng saya sa pagsilang ni Hesu Kristo, ani Tolentino.

“Alam natin, sa buhay natin, marami tayong dapat ayusin. Sa sarili, sa pamilya, marami tayong dapat patawarin. Marami tayong dapat ayusin sa ating buhay, mga kasalanan hindi lang personal pati ng ating bansa," sinabi niya sa TeleRadyo. 

"Itong panahon ng adviento ay paglilinis at paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Kaya dapat tayong mga Pilipin,o madala tayo doon sa ganoong gagawin. Sa pagninilay, sa pagbalik sa sarili, pagsusuri upang maging karapat-dapat tayo sa Pasko. At ‘di lamang para sa Pasko kundi para sa ating Panginoong Hesu Kristo," dagdag pa niya. 

Hinihikayat ng pari na gawing oportunidad ang pandemya upang magnilay at alalahanin ang Panginoon. 

"Marami nang Paskong nasayang. Marami na pong Pasko tayong napalampas na hindi po talaga tayo nakapagsaya at nakapagdiwang dahil nabalot ito ng materyal na bagay, nabalot ito ng pera," aniya. 

"Ngayong may pandemya, hindi natin magamit ang pera at materyal na bagay. Spiritually, morally, magandang tayo’y maging karapat dapat kay Kristo."

Hinihikayat ni Tolentino ang mga mananampalataya na magkaroon ng mga advent wreath sa mga tahanan para gawin ang tradisyon kahit na may pandemya. 

—TeleRadyo 28 Nobyembre 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.