PatrolPH

'Tao Po' : Pagbabago ng ugali ng isang Lola dala ng sakit na Alzheimer's Disease

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2023 01:12 PM

Watch more on iWantTFC

Seventy-five years old na si Lola Gloria Cosipag. Noong 2019 nang mapansin ng mga anak ni Lola Gloria na may mga pagbabago sa ugali ng ina.

Kwento ni Amie Cosipag, isa sa mga anak ni Lolo Gloria, "Lagi siya nagwawala, umaakyat siya sa gate, nagbabasag ng kung anu-ano, tinatapon yung mga bagong sinampay. Laging galit araw-araw. Hindi na namin ma-manage."

Apat na taon nilang tiniis ang kakaibang ugali ng ina at nitong Hunyo lamang na-diagnose si Lola Gloria na may sakit na Alzheimer’s Disease. 

Ang Alzheimer's Disease ay isang uri ng dementia na nakaka-apekto sa pag-iisip, alaala at pagsasalita ng isang pasyente at wala itong lunas.

Matapang at mahigpit na ina si Lola Gloria at aminado ang isa sa mga anak niya na mas gusto niyang kasama ang ina ngayon.

"Dati hindi niya kami hinahalikan. Hindi niya kami niyayakap. Ngayon kasi mas malambing siya," pagbabahagi ni Lita, isa sa mga anak ni Lola Gloria.

Masakit ang mawalan ng ina pero iba rin ang lungkot na sa pisikal kasa-kasama mo pa, pero pagdating sa pag-iisip ay parang wala na.

Pangako ng magkakapatid na Cosipag, hinding-hindi magdidilim ang kanilang buhay dahil ngayon, sila naman ang magsisilbing liwanag para sa kanilang ilaw ng tahanan.

Ulat ni Bernadette Sembrano para sa programang Tao Po. (Nov. 19, 2023)
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.