PatrolPH

KBYN: Estudyante gumagamit ng unicycle pauwi galing ng eskuwelahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2022 06:02 PM

Watch more on iWantTFC

Naging maingay kamakailan sa social media ang video ng isang babaeng estudyante sa Bocaue, Bulacan kung saan ang service niya pauwi mula sa eskuwelahan ay isang unicycle o bisikletang iisa ang gulong.

8 taong gulang lamang nang matutunan ni Hannamichi Jeanky 'Michi' Lomoljo ang paggamit ng unicycle.

"Nag-e-enjoy po ako sa pag-u-unicycle. Puro padyak. Masaya po, para lang naglalaro. Balanse lang po. Sanay na po ako sa ganu'n," pagbabahagi niya sa KBYN.

Katunayan, kasabay ni Lomoljo sa paggamit ng unicycle pauwi galing sa kaniyang paaralan ang nakatatanda niyang kapatid na lalaki na kaklase rin niya.

"Walang pera pampamasahe kaya unicyle na lang ako. Mahirap rin, mahirap. Nagpractice lang ako," kuwento ni John Kenji Lomoljo.

Sumasakay ang magkapatid sa tricyle kapag papasok sa eskuwela bitbit ang kanilang unicycle. Kinse pesos bawat isa ang kanilang pamasahe.

Tatlong kilometro ang layo ng kanilang bahay mula sa eskuwelahan at kapag uwian na, dahil hindi sapat ang pamasahe nila para bumalik sa kanilang tahanan, unicycle na lang ang kanilang ginagamit. 

Inaabot ng 30 minuto ang magkapatid sa pagpadyak.

Natutunan nila ang paggamit nito sa kanilang ama na isang unicyclist pero ngayo'y nagtatrabaho bilang construction worker.

"Ang mga bata naman bago ko sila binitiwan ng ganu'n, sinanay ko rin sila. Pero hindi ko ma-ano na 'pag may bag, may mga bitbit sila, ganu'n pala ang itsura niya," kuwento ng ama nila na si Jojo Lomoljo.

Pinagkakasya lamang ng kanilang ina ang kinikita ng ama para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

At dahil lima silang magkakapatid na sabay-sabay nag-aaral, hindi maiiwasang sila ay kapusin.

Bagamat hirap sa buhay, pinagsusumikapag ng kanilang padre de pamilya na matustusan ang mga pangangailangan.

"Pasok lang kayo, 'yun lang ang maibigay namin, 'yun lang ang mapamana namin sa inyo. Edukasyon lang ang puwede naming ma-ano kaya kahit mahirap, pinilit naming makapasok silang lima. Wala kaming kayamanan na maiiwan ko sa kanila. Ang pangarap ko lang talaga, makatapos sila sa pag-aaral. Magkaroon sila ng magandang buhay," ani G. Lomoljo.

Dahil kapos sa pambili ng mga gamit tuwing may proyekto sa eskuwela, naghatid ng tulong ang KBYN sa pangunguna ni Kabayan Noli de Castro ng mga pangunahing pangangailangan nina Michi at Kenji sa pag-aaral.

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.