PatrolPH

'My Puhunan: Kaya Mo!': Takatak boy noon, mega milyonaryo na sa kaniyang build and sell negosyo ngayon!

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2023 05:30 PM | Updated as of Sep 16 2023 05:31 PM

Watch more on iWantTFC

Dalawang taong naging takatak boy ang noo'y 13 taong gulang na si Eric Tiongson.

Halos bihasa na siya sa pagsampa sa mga bus sa EDSA habang ito ay tumatakbo.

Maaga siyang nasabak sa paghahanapbuhay dahil sa hindi maayos na kabuhayan ng kaniyang magulang.

"1st year high school nagsimula akong magtinda ng sigarilyo niyan sa EDSA. Habang tumatakbo 'yung bus, tumatalon, trese anyos ako niyan. 'Yung mga kapatid ko ganu'n din. Nagtitinda kami lahat," pagbabahagi niya kay Karen Davila para sa programang "My Puhunan: Kaya Mo!".

Maliit na garahe lang ang naging tahanan nila sa paupahan ng kaniyang tiyahin.

Dahil siyam silang magkakapatid, umabot sa puntong sa mga nakaparadang jeep siya natutulog.

"Tapos ang liit ng inuupahan namin, halos kasing laki lang ng garahe. Actually garahe 'yun. Siyam kaming magkakapatid, hindi naman magkakasya 'yun du'n eh. Du'n kami natutulog sa may mga jeep na nakaparad du'n sa may gilid," dagdag niya.

Malaki ang pangarap ni Eric na gumanda ang estado ng kanilang buhay.

Naging OFW siya sa Middle East, bumalik ng Pilipinas para ipagpatuloy ang pag-aaral at naging empleyado sa isang bangko.

Sumugal ulit siya abroad at naging factory worker sa South Korea hanggang sa naging TNT o tago nang tago sila ng kaniyang misis para makapag-ipon.

Nang mahuli, bumalik sila sa Pilipinas at dito na nabuo ang kabuhayan nila sa "build and sell" ng mga bahay.

Alamin kung paano siya naging mega milyonaryo sa negosyo dito lang sa "My Puhunan: Kaya Mo!" kasama sina Karen Davila at Migs Bustos.

RELATED LINKS:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.