KBYN: Paano malalaman kung teacup-sized ang isang aso?
ABS-CBN News
Posted at Sep 11 2022 10:24 PM
Nakahihiligang alagaan ngayon ng ilan sa mga kababayan natin ang mga cute at maliliit na teacup dog.
Kung susukatin, singlaki lamang sila ng ating mga palad at kayang mailagay sa tasa ang ganitong uri ng aso.
Lumalagong negosyo ngayon ng dog importer na si JC Briones ang pag-aalaga at pagbebenta nito.
"Nagkaroon kami ng teacup na poodles, maltese, yorkshire at iyong nauuso ngayon, cotton. Ang pinaka-favorite ko ay poodles. Poodles because bukod sa hypoallergenic sila, good for kids na may asthma, very sweet at very well-mannered," kuwento ni Briones sa KBYN.
Inaral niya ang pag-aalaga ng mga teacup-sized dogs. At nang i-post niya ang mga ito sa social media noong 2017, nag-viral at naging instant sikat siya.
"Wala akong idea, pero simple lang naman iyong caption ko that time. But iyong picture ko kasi, iyong posted na picture, iyong teacup nakalagay siya mismo sa cup. Nag-viral iyong post. At bago matapos ang araw na iyon, nasa 10 million reached people," ani Briones.
Ito ang naging daan para simulan niya ang kaniyang one-stop-shop dog business.
Galing pa sa mga bansang Thailand, South Korea at China ang mga tiny dog na kaniyang ibinebenta.
Pagdating sa presyuhan, aabot mula P50,000 hanggang P70,000 kapag local o dito na ipinanganak ang aso. Ang imported naman ay may halagang P160,000 hanggang P200,000 bawat isa.
Ilan sa mga kliyente ni Briones ay ang mga celebrities na sina Pokwang, Piolo Pascual at Charo Santos.
May batayan umano para masabi na tiny o teacup-sized ang isang aso.
"Depende po ito sa breed. Ang pinakamaliit po na teacup na dog ay the yorkie, the chihuahua and the pomeranian. Some teacup like Bichon, Cavalier, kahit sabihin mong teacup ay malaki pa rin sila. Iyong sizes, nasa 12 to 15 inches. Iyong iba naman, nasa 7 to 9 inches. Kung iyong weight naman, depende. Pero 1.5 to 3 kilos ang maximum bigat ng mga teacup," pagdedetalye ni Briones.
Ang ganitong klase ng aso ay nangangailangan ng dagdag na kalinga, atensiyon at pagmamahal kumpara sa mga regular na aso.
"Ang pagiging teacup, sila po iyong pinakamaliit sa liter. So the moment na maliit sila, very maselan, very fragile. They need extra comfort. Dapat regular mo siyang titingnan para mabigyan ng proper vitamins and supplements," paliwanag niya.
Ang pagiging maselan ng mga teacup dogs ang naging dahilan kung bakit nahinto sa pag-aalaga nito si Raymond Kang.
"Mga pomeranian, maliliit talaga ang gusto namin. Kaya lang, nagkaroon ng concerns sa mga customers and client. Nakita nila ang mga sakit. Kaya kami rin, ayaw namin ituloy ang ganiyan pagbi-breed," paliwanag ni Kang.
Ang karaniwang sakit ng mga micro dogs ay hypoglycema o ang pagbaba ng blood sugar level at ang paglaki ng puso.
Bagaman kontrobersyal ang pagkakaroon ng teacup dogs dahil sa breeding style ng mga ito, para sa mga dog owners gaya nina Briones at Kang, wala sa liit o sa laki ng aso ang itatagal ng buhay nito kundi sa pag-aalagang ibibigay.
RELATED LINKS:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, KBYN, Current affairs, Kabayan, Kabayan Noli de Castro, Noli de Castro