PatrolPH

KBYN: Batang lalaki hindi pangkaraniwan ang laki ng mga paa

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2022 09:42 PM

Watch more on iWantTFC

Ipinanganak na hindi pangkaraniwan ang laki ng mga paa ng isang bata sa Candaba, Pampanga.

Sa edad ni Johnwell Dimla na 11 taong gulang, halos nasa apat na talampakan lang ang kaniyang taas pero ang sukat ng kaniyang mga paa ay aabot sa labintatlong pulgada.

Ang kanang puwetan naman niya ay parang may lobo sa laki kung titingnan.

"'Yung paa ko po malalaki. In born po siya. Wala naman po akong nararamdaman na sakit," kuwento ni Dimla sa KBYN.

Sa kabila ng kapansanan ni Dimla ay namumuhay pa rin siya ng normal gaya ng ibang bata lalo na ang sipag niya sa pag-aaral.

Ayon kay Gng. Dalisay Liwanag, nakitaan niya ang kaniyang estudyante ng sigla sa pag-aaral kahit nasa dalawang linggo pa lamang ang kanilang klase.

"Bilang teacher, parang anak mo na sila. Natutuwa ako na hindi siya nahihiya, buo siya bilang individual kahit may kapansanan. Ipagpatuloy mo anak, ang iyong pag-aaral at mararating mo ang higit na tagumpay. Ikaw ay isang mabuting bata pa rin," ani Gng. Dalisay.

Bagamat masayahin at masipag, hindi pa rin naiiwasan na may mga kumukutya sa kaniyang kalagayan.

"Pinagtatawanan po siya. Nalulungkot po ako para sa kaniya. Madalas po siyang nabu-bully pero hinahayaan na lang po niya," kuwento ng matalik na kaibigan ni Dimla na si Vincent Manalastas.

Hindi mo aakalain na sa laki at bigat ng kaniyang mga paa at puwet ay nakapaglalaro pa siya ng basketball.

Suportado ng ama ni Dimla na si Norvel ang hilig ng kaniyang anak.

Nais niyang mamuhay gaya ng normal na mga bata ang anak hangga't kinakaya nito.

Kapag wala sa court o bahay, pagpapastol ng kalabaw at mga kambing sa bukid ang pinagkakaabalahan ni Dimla.

At dahil laki sa bukid, nahilig din ang bata sa karera ng mga kalabaw na sikat na palaro sa kanilang lugar.

"Sadyang masipag din talaga ang bata, 'yung mga nagagawa niya, nagkakapera naman siya diyan, pambaon," kuwento ni G. Dimla.

Nag-abot ang KBYN sa pangunguna ni Kabayan Noli de Castro ng mga school bags sa eskuwelahan kung saan nag-aaral si Dimla.

Para sa kaniyang munting pamilya, pinagkalooban rin sila ng ilang sako ng bigas at groceries.

Mahaba pa ang lalakbayin ni Dimla sa kaniyang buhay pero isa lang ang sigurado, ang determinasyon niyang makapagtapos ng pag-aaral at ang suporta ng pamilyang labis na nagmamahal sa kaniya.

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.