PatrolPH

KBYN: Tatlong magkapatid sa Bicol ipinanganak na hindi nakapagsasalita ng maayos

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2022 01:27 AM

Watch more on iWantTFC

Ipinanganak na hindi nakapagsasalita ng maayos ang tatlong magkapatid sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur.

Sa sampung magkapatid, parehong nagkaroon ng kondisyong cerebral palsy sina Narcisa, Maribel at Maria Angge Dacer.

"Sa sampung magkakapatid, itong apat lang ang may kapansanan. 'Yung isa namatay. Simula nu'ng pinanganak, ganito na talaga sila. Tapos nu'ng ina-ano naman ng nanay ko, ginawa niya naman ang lahat, ganu'n pa din," kuwento ni Richela Rosas, kapatid ng Dacer sisters na nag-aalaga sa kanila.

Ang cerebral palsy ay isang kondisyong walang lunas.

"Ang cerebral palsy ay sakit, this is a group of muscle weakness affecting the brain so ang motor movement ng individual, ang coordination affected. Wala pang gamot sa ngayon," pahayag ni Dr. Angelina Celzo, Municipal Health Officer ng Ocampo, Camarines Sur.

Si Narcisa ang panganay sa kanilang sampu. Pangpito si Maribel at bunso naman si Maria Angge.

sisters

Sa kabila ng kanilang kondisyon, nakapagbibigay-saya pa rin ang magkapatid dahil sa kanilang pagiging masayahin.

Malaki ang pasasalamat ni Rosas sa kaniyang sariling pamilya sa pagsuporta ng mga ito sa kaniyang desisyon na mag-alaga sa tatlo niyang kapatid.

May kaniya-kaniya na ring pamilya ang iba pa nilang mga kapatid.

"Sabi naman nito (kaniyang asawa), okay lang 'yan, dito na lang kami titira kaya nakiusap naman kami sa may-ari nitong barangay na titira kami dito, magtatayo rin kami ng bahay," ani Rosas.

Dahil kilala na sila sa kanilang lugar, regular din na binibisita ng barangay nurse ang tatlong magkapatid.

Aminado si Rosas na minsan na rin siyang napanghinaan ng loob sa kalagayan ng kaniyang mga kapatid pero kailanman ay hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Diyos.

"Hindi ko sinisisi ang Diyos kasi 'yan ang ibinigay. Wala tayong magagawa kaya alagaan ko na lang sila," pagbabahagi niya.

Upang makabawas sa gastusin ng pamilya, naghandog ang KBYN sa pangunguna ni Kabayan Noli de Castro ng mga sako ng bigas at mga groceries para sa kanila.

Hindi madaling alagaan sina Narcisa, Maribel at Maria Angge.

Walang pinagsisisihan si Rosas sa kaniyang naging desisyon na akuin ang responsibilidad na arugain at mahalin ang kaniyang mga kapatid.

"Hanggang kaya ko, hangga't nabubuhay ako, aalagaan ko sila kasi wala namang ibang mag-aalaga sa kanila eh, ako lang talaga," ani Rosas. 

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.