PatrolPH

Lola bakas ang saya nang muling nakakita matapos ang operasyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2021 06:16 PM

Watch more on iWantTFC

Video mula kay Dr. Noel Jusay Lacsamana.

Muling nakakita ang isang 65 anyos na lola mula sa Caloocan City matapos ang 3-taong pagkabulag dahil sa katarata.

Hindi napigilang maiyak ni Lola Teresita Beliver pagkatapos ng kanyang operasyon nang siya ay nakakita na muli pagmulat ng kanyang mga mata. 

Kwento ni Beliver, nagdulot ng sobrang kalungkutan ang tuluyang pagkawala ng kanyang paningin noong 2018 dahil sa malubhang katarata.

“Lagi akong nagkukulong sa kwarto, umiiyak, nade-depress. 'Pag nakapikit ako nakakakita ako ng mga nakakatakot. Sobrang depressed ko,” aniya. 

Sinubukan ni lolang mag-ipon ng pera para sa operasyon pero nagagastos niya ito dahil sa pandemya.

Humingi siya ng tulong sa mga kapamilya para makalikom ng pera at nang magkaroon ng sapat na pera, dumayo siya sa isang klinika sa San Fernando City, Pampanga para magpa- opera.

Dito niya nakilala si Dr. Noel Jusay Lacsamana, ang doktor na matagumpay na nag-opera kay Lola.

Ayon sa doktor, nasa advanced stage na ang katarata ng matanda pero kaya pang makakita nito sa pamamagitan ng operasyon. 

Hindi lumagpas sa 20 minuto ang buong proseso at naibalik ang paningin ni Beliver.

— Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, i-Patrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.