PatrolPH

KBYN: Mga mangingisda sa Southern Leyte, sinariwa ang bangungot ng bagyong Odette

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2022 09:45 PM

Watch more on iWantTFC

Walong buwan matapos manalasa ang bagyong Odette sa Visayas at Mindanao, sariwa pa rin sa ilan sa mga kababayan natin ang idinulot ng sakuna sa kanila.

Ang payak at aandap-andap na nilang pamumuhay lalo pang pinahirap ng nagdaang delubyo.

"Parang naiyak ako eh kasi 'yung bahay namin talagang buong buo pa 'to. Nakita ko na 'yung pinto bumukas tapos pumasok 'yung alon pagpasok sa alon dinala ako sa 'yung anak ko kasi baka bumigay 'yung bahay," kuwento ng mangingisdang si Romeo Gorzon habang ipinakikita ang nasira niyang tahanan sa KBYN.

Isa lamang si Gorzon sa humigit-kumulang isang daang mangingisda sa Brgy. Bobon, San Juan, Southern Leyte na naapektuhan ang kabuhayan nang dahil sa bagyo.

Humupa man ang mala-delubyong bagyo ay panibagong dagok naman ang iniwan nito sa kanila kung paano ipagpapatuloy ang buhay na walang bahay at kabuhayang natira.

Dahil sa kawalan ng mga pangunahing pangangailangan at trabaho, hindi sukat akalain ng asawa ng mangingisdang si Bernie Navarro na si Lourdes na aabot sila sa panlilimos sa kalsada.

"Sabi ko sa tanang buhay ko, hindi ako nagga ganito. Kahit mga anak ko nagpila pila, tulo talaga luha ko Ma'am. Kahit mahirap lang kami hindi ko naranasan manglimos. Kahit mahirap lang 'yung trabaho niya (ng asawa), magsikap kami para lang makakain hindi ko pinapakain sa mga limos limos. Pero ngayong bagyong Odette, talagang sakit sa dibdib Ma'am, mag-ano ng karatula na konting tulong po," emosyonal na pagkukuwento ni Gng. Navarro.

Unti-unti rin namang dumating ang tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong grupo.

Sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN Foundation, nagtungo ang grupo ng KBYN sa Brgy. Bobon upang ibahagi ang tatlumpung bagong bangka sa mga mangingisda.

"Nung time na nagconduct na tayo ng relief operations dito, lumapit 'yung isang kapitan sa atin na Sir baka kami matulungan sa mga bangka kasi 'yun 'yung tanging pinagkukunan lang nila," ani Jodink Sayong ng ABS-CBN News Public Service.

Malaki ang pasasalamat ng mga mangingisda ng Brgy. Bobon sa mga bangkang ipinagkaloob sa kanila dahil makapaghahanapbuhay na ulit sila ng maayos.

"Masaya kami na mayroong taga-ABS-CBN bigay ng bangka. Importante talaga 'yun 'di kami makalaot kung walang bangka. Hanggang kaya ko pa magpalaot pa ko sa dagat kasi meron pa akong bubuhaying asawa," ani Gorzon. 

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.