PatrolPH

KBYN: 'Pangangapa' kabuhayan ng ilang taga-Baseco sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2022 10:35 PM

Watch more News on iWantTFC

Matatagpuan sa Maynila ang isang kabuhayan na karaniwan lang nating nakikita sa probinsya, ang 'pangangapa.'

Ang pangangapa ay hanapbuhay ng mga taga-Baseco kung saan sumisisid sila sa dagat para manghuli ng mga halaan at iba pang yamang dagat.

Nakilala ng KBYN ang pamilya nina Myrna Estoque at Vel Masula. Higit isang dekada na nila itong ginagawa.

Si Masula at ang kaniyang 16 taong gulang na anak na si Vince ang sumisisid sa dagat. Ang tawag sa kanila ay mga 'mangangapa.'

Si Estoque naman ang nagbebenta ng mga halaan. Kung minsan humahango siya ng mga halaan para maibenta sa Divisoria.

"Kapag malinaw po 'yung tubig umaabot kami ng 20 kilos. Nasa P2,000.00 po (ang halaga)," kuwento ni Estoque kay Kabayan Noli de Castro.

Improvised ang karamihan sa kagamitan nila sa pangangapa. Para makakuha ng halaan, cover ng electric fan ang kanilang ginagamit.

Hindi araw-araw ay may maayos na huli ang mga mangangapa lalo na kapag mataas ang alon at tuwing tag-ulan.

"Season season din 'yan. Season ngayon (July) ng halaan," pagbabahagi ni Masula.

Bagamat mahirap ang kanilang buhay, ipinagmamalaki ng mag-asawa na natutugunan nila ang pangangailangan ng pamilya sa marangal nilang hanapbuhay.

"Kahit anim po 'yung mga anak namin, kahit paano po napapakain pa rin po namin sila ng maayos na galing po sa pagsisipag namin," kuwento ni Estoque.

Sa pangangapa na nakikita ni Masula ang magiging kinabukasan ng kaniyang pamilya.

"'Yan na siguro ang hanapbuhay ko hanggang sa ma-kwan kasi nasanay na ako diyan. Kung sa dagat sa mga kwan, may pangbenta ka, may pang-ulam ka, bigas na lang po iyon. Halos 20 years na nabubuhay ang pamilya ko diyan," ani Masula.

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.