KBYN: Tatlong magkakapatid sa Quezon may hindi maipaliwanag na sakit
ABS-CBN News
Posted at Jul 10 2022 06:55 PM
Higit dalawang dekada nang iniinda ng tatlong magkakapatid sa Tagkawayan, Quezon ang hindi nila maipaliwanag na sakit na dumapo sa kanila.
Sa tulong ng nagmamalasakit na kamag-anak at sa Bayan Mo Ipatrol mo ng ABS-CBN News, nakilala ng KBYN ang magkakapatid na sina Manolito, PJ at Ramil Mendoza.
"Gusto kong tumulong sa pinsan ko pero hindi po sapat eh hindi kaya. Kaya po nag-isip po ako na humingi po ako sa mga friend ko sa Facebook na kung puwede paki-share po ng Facebook ko na pinost ko po kung sino man po ang may magandang puso na tulungan po sila sa kanila pong pangangailangan," kuwento ng pinsan nilang si Marilyn Seco.
Sa labing isang magkakapatid, tanging silang tatlo lamang ang tinamaan ng naiibang karamdaman na ito.
"'Pag hindi po ako nagkakamali ito pong aking kalagayang ito'y mahigit nang trenta anyos," kuwento ng 53 taong gulang na si Manolito.
Walang kakayanan ang magkakapatid na tumayo sa sarili nila.
Kinakailangan nila ng makakapitan para makalipat-lipat ng puwesto o kung minsa'y gumagapang na lamang sila.
"Hindi naman po kami ganito noong kami'y ipinanganak. Bakit nga po noong kami'y umedad ng ganitong edad bakit po tsaka po kami nagkaganito. Nagsimula po ito bente uno ang edad ko eh ngayon po ako'y 41 na," kuwento naman ni Ramil.
Katuwang ng tatlong magkakapatid ang isa pa nilang kapatid na nakatira rin malapit sa kanila.
"Nasasaktan po ako dahil po sa kalagayan nila. Gusto ko pong makalakad po sila dahil para po sila naman ay makalayo-layo, makagala po, saan po makarating, mamasyal. Sana po sila ay makalakad na, mapagamot po ninyo at na tulungan niyo po. Sana po sila ay gumaling," pagdedetalye ng kapatid nilang si Roger.
Dahil sa hirap ng buhay, hindi na nagawang magpatingin ng tatlo sa doktor.
Inilapit ng KBYN sa isang espesyalista ang magkakapatid para matuldukan ang karamdamang hindi nila malaman kung paano dumapo sa kanila.
Ayon sa pagsusuri ng mga doktor mula sa East Avenue Medical Center, napag-alamang mayroon silang sakit na Neuropathy at maaaring sila ay may kondisyon na X-linked Charcot-Marie-Tooth disease.
"Ito ay hereditary disease na nakukuha lang ng mga kalalakihan sa pamilya. Hindi naaapektuhan ang mga babae. 'Yung nerves nila kusang namamatay. Hindi namin alam kung bakit namamatay. Wala pa pong possible at tsaka talagang definite explanation," paliwanag ni Dr. Levi Rejuso, Jr., Neuroscience Chief ng East Avenue Medical Center.
Kailangan pa rin ng iba't ibang test upang mas malaman ang tunay nilang kalagayan.
At kung makumpirma nga ang kanilang sakit, hindi na raw ito maaagapan pa dahil progresibo ang uri ng sakit na ito.
Kaya naman payo ng mga doktor, matibay na suporta at pang-unawa ng pamilya ang dapat ibigay sa magkapatid.
"Kailangan talaga diyan may kasama sila sa bahay kasi sooner or later palala nang palala 'yan to the point na talagang halos hindi na sila makakilos. Kailangan na talaga nila 'yung tinatawag na dependency doon sa caregiver nila," dagdag pa ni Dr. Rejuso, Jr.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa Mendoza Brothers, magpadala lamang ng mensahe sa KBYN Facebook page: https://www.facebook.com/kbyn.abscbn
RELATED LINKS:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, KBYN, Current affairs, Kabayan