PatrolPH

KBYN: Bangungot ng 2017 Mercraft tragedy muling nabuhay

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2022 12:58 AM

Watch more News on iWantTFC

Muling nabuhay ang bangungot ng 2017 Mercraft tragedy nang masangkot ang parehong kumpanya sa isa na namang trahedya sa karagatan nitong Mayo.

Apat na araw bago ang pasko noong 2017 nang lumubog ang M/V Mercraft 3 sa probinsya ng Quezon kung saan pito ang nasawi at lima ang nananatiling nawawala hanggang ngayon.

Nakapanayam ng KBYN ang isa sa mga nakaligtas sa trahedya, si Ruben Soltura.

"Noong December 21, umuwi kami noon ng madaling araw, nakasakay kami sa Mercraft na umalis naman po yata ng humigit-kumulang sa alas nuebe ng umaga. Medyo maalon po noon, malakas ang dagat, malakas ang hangin," kuwento ni Soltura.

Kasama ni Soltura ang asawang si Purificacion na uuwi ng Polilio Island para ipagdiwang ang pasko.

Pero hindi pa man nagtatagal sa biyahe ay ramdam na nilang mag-asawa na may mali sa andar ng sinasakyan nilang fast craft.

Ayon sa kaniya, dala ng malakas na hangin at malalaking alon ay unti-unting napuno ng tubig ang fast craft.

Pinilit sagipin ni Soltura ang asawa pero sa kasamaang palad ay hindi niya ito nagawa.

"Hanggang sa mapuno po 'yung dalawang bodega ng tubig dahil sa laki ng alon, 'yung pagkakayapos ko po sa asawa ko biglang nawala sa akin. Humingi na lang po ako ng paumanhin sa asawa ko na Nanay, pasensiya ka na hindi kita nailigtas," pagdedetalye ni Soltura.

Sa bayan ng Kalubakis na-rescue si Soltura na may dalawang oras ang layo mula sa lumubog na fast craft habang ang kaniyang asawa ay hindi pa rin natatagpuan ang mga labi.

Bagamat ilang taon na ang nakararaan, sariwa pa rin sa alaala niya ang mga pangyayari at ang mga pagkakataong kasama ang asawa.

"Hindi po nawawala ang pag-iyak sa lungkot na nadarama ko sa araw-araw. Araw at gabi po wala akong panahon hanggang sa ngayon po, walang oras nga at sandali na hindi ko naiisip, na hindi napapag-isipan ang asawa ko lalo po kapag nakikita ko 'yung mga pinagawa niya. Hindi ko po kayang kalimutan ang asawa ko," emosyonal na pagbabahagi ni Soltura.

RELATED LINKS: 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.