PatrolPH

Batang babae tinutulungan ang inang magbenta ng halaman online

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2021 09:24 AM

Watch more on iWantTFC
Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA—Nakahanap ng paraan ang isang 12 anyos na bata para makatulong sa kaniyang ina sa pamamagitan ng live selling ng mga halaman sa Facebook.

Ayon kay Rose Aivan nagsimula siyang mag-live selling noong umpisa ang lockdown.

“Masaya po kasi natutulungan ko mga magulang ko po para makabawi po,” sabi ni Rose Aivan sa panayam sa programang “Sakto” sa TeleRadyo Biyernes ng umaga.

Ikinatutuwa ng mga nanonood ng kaniyang live selling ang pagiging gamay niya sa mga halamang ibinebenta.
 
“Nakita ko po sa online mga pangalan tapos nakabili ako ng mga plants tapos alam ko na po mga name nila,” sabi niya.

Masaya naman ang kaniyang ina sa tulong na iniaambag ng anak para sa kanilang pamilya.
 
“Sobrang saya po, wala po talagang hanap-buhay. Nagpapasalamat ako kay mahal na Alah na may anak na nakatulong sa aming pamilya. Nagpapasalamat kami,” sabi ng ina niyang si Bai Sittie Abdulkadir.

Aminado si Rose Aivan na may mga pagkakataong nalilito siya sa dami ng mga nagma-“mine” sa kaniyang mga halaman pero kalaunan ay kabisado na niya kung paano ito patakbuhin.

“Salamat sa lahat ng mga tumulong sa akin kasi ang mga buyer ko sobrang bait. Tinatanong nila kung ilang taon na ako, sabi ko 12 years old, binibigyan nila ako pambili ng pagkain pang meryenda,” sabi ng bata.

Kuwento ni Rose Aivan na pagkatapos mag online selling, tutok naman siya sa kaniyang pag-aaral.

“Pagkatapos ko mag live nagmo-module po ako,” sabi niya. — TeleRadyo 4 Hunyo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.