PatrolPH

Lola sa Bulacan, hinangaan dahil sa baking skills

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2023 06:48 PM

Watch more on iWantTFC

Hinangaan ng netizens ang passion for baking ng lola na si Purita Halili Villano mula sa Sta. Maria, Bulacan sa kabila ng kaniyang edad.

Ayon kay Nanay Purita, 63 anyos, nagsimula ang kanyang interes sa baking noon pang 1980s. Nag-aral siya ng baking sa munisipyo ng kanilang lugar. Noon ay libangan lamang ito para sa kanya hanggang naisipan niyang gawing negosyo.

Dahil dito naitaguyod niya ang kanyang 4 na anak at naipagtapos sila ng pag-aaral.

Halos 35 taon nang nagbe-bake si Nanay Purita. Para palawakain pa ang kanyang kaalaman sa pagluluto, nangongolekta siya ng cookbooks at nag-aaral ng mga bagong technique sa internet.

Pagkatapos ng 2 dekada, naimpluwensyahan ni Nanay Purita ang kanyang anak na si Pia, 24, sa kanyang hilig sa pagbe-bake. 

Sa kabila ng age gap nilang mag-ina, naging tandem sila sa negosyo at sa paglikha ng traditional at modern cakes.

“Nagko-communicate po talaga kaming dalawa kasi may designs ngayon na ibinabalik from the past and syempre may mga modern designs na hindi na niya nakukuha so parang nagpapalitan kami ng ideas depende kung anong ‘yung kailangan naming design for the cake,” ani Pia.

Ibinahagi rin ni Nanay Purita na hindi naman siya nahirapang magsimula ng kanyang negosyo noon dahil hilig na talaga niya ang baking. 

Marami na rin siyang naging customers katulad ng catering business, kung saan nag-ooffer sila ng cake para sa mga events tulad ng weddings at birthdays.

Binalikan ni Nanay Purita ang kauna-unahang cake na niluto niya para sa kanyang negosyo — isang 2-tier wedding cake, na order ng kanyang katrabaho. Dito na nagtuloy-tuloy ang kanyang cake business journey.

Sa ngayon, home-based lang ang service nila sa pagbebenta ng cake. Tumatanggap sila ng pick-up orders sa kanilang Facebook page na Halili Cakes at Pia’s Patisserie.

Pangarap ni Pia na makapagpatayo sila ng kanyang ina ng aktwal na cake shop. Kumuha na rin umano siya ng kurso sa baking at pastry noong nakaraang taon.

“Tuwang-tuwa naman ako. Dasal ko sana mas mahigitan niya pa ‘yung aking naabot,” ani Nanay Purita.

— Yna Salazar

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.