Pamilya ng batang may butas sa puso, umaapela ng tulong

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 01:18 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Umaapela ng tulong para sa agarang operasyon ang mga magulang ng batang ipinanganak na may butas ang puso sa Lacub, Abra.

Palangiti at makulit si Baby Rhean, ngunit sa likod nito ay ang hamon sa kanyang murang edad.

Dumaan sa ilang buwang gamutan si Baby Rhean matapos masuri at mapag-alamang may congenital heart disease siya at may butas sa puso.

Ayon pa sa doktor ni baby Rhean na si Dr. Bernadette Valdez, kailangan siyang ma-operahan.

“’Yung para sa kondisyon niya, ang kailangan diyan, open heart surgery. Bubuksan nila ‘yung puso, hahanapin nila ‘yung butas. ‘Pag nakita na nila ‘yung butas, tatahian na nila ng patch,” paliwanag ng doktor.

Nag-aalala naman ang ina ni Baby Rhean na si Cynthia Belmonte dahil baka hindi kayanin ng anak ang operasyon.

Bukod pa rito, hindi kayang tugunan ng mga magulang ni Baby Rhean ang gastusin sa mahal na operasyon. Walang trabaho ang ina niya at minero naman ang kanyang ama.

“Problema po kung saan po kami kukuha ng pera para sa operasyon ng anak po namin, P500,000 po ‘yung sinabi nila sa amin,” ani ina ni Baby Rhean.

Pero anumang hirap, hindi anila susukuan ang laban ng kanilang munting anghel na patuloy na nagbibigay ng ngiti sa kanilang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.