Inang may mga anak na may sakit sa buto, binigyang-pugay

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 12:40 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Wala na yatang hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina para sa kanyang mga anak, pero saan nga ba nagsisismula at natatapos ang pagiging isang ina?

Tunghayan natin kung ano ang kayang gawin ng super nanay mula Sorsogon

Hindi na matandaan ni nanay Premrose Joven mula Sorsogon kung kailan sya huling nagpahinga.
Sa araw-araw, kulang ang dalawang kamay para matugunan ang lahat ng kanyang responsibilidad.

Sa kabila ng mga hirap at pagod, tila nagiging bitamina pa niya ang mga ito para lalong lumakas at lumaban sa matinding pagsubok.

Paborito ni nanay Rose ang gisingin sa umaga ang kanyang mga anak. Para sa kanya, isa itong biyaya,
tanda ng pag-asa para sa kanilang pamilya.

Apat sa anim na anak ni nanay Rose, may iniindang pambihirang karamdaman. Hirap sa pagbangon ang apat, at ang tatlo sa kanila, hindi na rin kayang lumakad mag-isa. Ang pangalawang si Junior, dinapuan pa ng sakit na leukemia, pero ang higit na dagok kay nanay Rose, pati ang inaasahang katuwang sa buhay, unti-unti na ring ginugupo ng kakaibang sakit sa buto.

Osteogenesis imperfecta o brittle bone disease ang sakit na dumapo sa kanilang pamilya. Sa kaso ng pamilya Joven huli na ng malaman ni tatay Ronelo na mayroon palang ganitong sakit ang kanilang angkan,

Sa kagustuhan ni nanay Rose na maging normal ang kanilang buhay, lahat ng posibleng pagkakakitaan, sinubukan niya para makahanap ng tulong. Una nang nanawagan si nanay Rose sa DZMM Teleradyo.

Ipinagmalaki ni nanay ang mga bulaklak na yari sa bids at paper quilling na gawa ng kanyang mga anak. Ibinebenta nila ito para pandagdag sa gastusin sa araw-araw.

Dahil palagi nalang si Rose ang nag aasikaso sa kanyang pamilya, nakakalimutan na niyang mag enjoy.
Kaya naman ngayon, sinorpresa siya ng Lingkod Kapamilya kasama ang mga mahal niya sa buhay.

Simpleng salo-salo ang nakaabang sa ina ng tahanan. Walang kaalam-alam si nanay Rose na sa gitna ng unos sa kanilang pamilya, hindi kinakalimutan ng kanyang mga anak na napakasuwerte nila sa pagkakaroon ng isang inang may malasakit at pagmamahal.

Kitang kita ang pagkagulat sa mukha ni nanay Rose, at habang iniaabot ang mga bulaklak ng kanyang mga anak, umagos na ang kanyang luha.

Ang pagkakaroon ng matibay at malakas na loob ni nanay Rose, utang na loob pala niya sa iisang tao. Ang kuwento ng mag-inang Rose at nanay Nena ang nagpatunay na hangga’t kailangan ng anak ang isang ina, kailanma'y hindi matatapos ang tungkulin ng nanay sa kanyang pamilya.

Rumupok man ang buto ng pamilya Joven, naniniwala ang kanyang mga anak at kabiyak, hangga’t nandiyan ang sunshine ng buhay nila na si nanay Rose, magiging matibay at matatag silang lalabanan ang mapaglarong biro ng buhay.

-- Ulat mula sa TV Patrol, Biyernes, 12 Mayo 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.