Ina, nagsisilbing sunshine din sa mga batang lansangan

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 12:33 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Natatangi ang kalinga na naibibigay ng ating mga ina, pero mas kamangha-mangha na kung minsan, ang kalinga na ito ay ibinibigay para sa hindi naman kaano-ano.

Ito ang kuwento ng 70 taong gulang na si nanay Dolores Frando na piniling magmalasakit sa mga batang madalas ay hindi napag-uukulan ng pansin maging ng sariling mga magulang.

May tatlong anak si nanay Dolores, pero may kanya-kanyang pamilya na, kaya inilalaan na lamang niya ang kanyang oras sa pagtuturo ng Katekismo sa mga batang lansangan tuwing Sabado. 

Ilang kanto lang mula sa tinitirhang compound ni nanay Dolores, nasa 50 pamilya ang itinuring nang tahanan ang bangketa.
Bukod sa pagtuturo, pinapaliguan na rin ni nanay Dolores ang mga bata.

Bitbit ang mga shampoo at sabon, sinamahan ng Lingkod Kapamilya si nanay Dolores na magpaligo ng mga bata.

Nang presko at mababango na ang mga chikiting, lugaw na may karneng manok naman ang hatid natin sa kanila sa tulong ng Lingkod Kapamilya. 

Pero sa kabila ng pagkakawang-gawa, patuloy rin ang pag-aalaga ni nanay Dolores sa kanyang asawa na may Alzheimer's disease.
Gayunpaman, napagsasabay pa rin ni nanay Dolores ang pag-aaruga sa kanyang mister at ang pagmamalasakit sa mga bata, kaya ang makitang may bunga ang pagtitiyaga sa mga batang ito ang nagiging inspirasyon ni nanay Dolores. 

Sa kabila ng mga hamon sa buhay, hindi matatawaran ang dedikasyon ni nanay Dolores sa pagtulong at pagmamalasakit sa mga batang hindi man niya kaano-ano ay itinuring na rin niyang mga anak at kapamilya.

-- Ulat mula sa TV Patrol, Biyernes, 12 Mayo 2017