PatrolPH

KBYN: Nakaaaliw na buhay ng mga Tiktok stars pinasilip

ABS-CBN News

Posted at May 09 2022 04:58 AM | Updated as of May 09 2022 05:15 AM

Watch more News on iWantTFC

Sinong nagsabi na pang-millennial lang ang social media? Aba’y ibahin niyo si 'Mommy Gangster' o si Ginang Angelita Vicente. Sa edad na 69, milyon-milyon lang naman ang followers niya sa kaniyang social media accounts. Hindi inakala ni 'Mommy Gangster' na sisikat siya nang ganoon kabilis.

"Twenty-twenty-one, noong pandemic na… 'tsaka ko pinatulan 'yung anak ko. [Parang] ayoko ng TV, cellphone, nood lang gano'n. Para may magawa naman ako sa buhay ko bukod du'n sa pag-aano sa mga bata," kuwento ni Vicente sa KBYN.

Sa kanIyang mga video, nakakasama niya ang anak na lalaki na si Bon Angelo Peralta o mas kilala ng netizens sa pangalang 'Bon.' Asaran, kulitan at lambingan nilang mag-ina ang kadalasang tema ng kanilang content. Kadalasan ay nakagagawa sila ng dalawa hanggang tatlong vlog sa isang araw. At ang maganda raw dito, magkakasama ang buong pamilya sa paggawa ng mga nakaaaliw na video.

"Una, bi-briefing ko lahat ng team namin, lahat po ng nasa paligid na nakakasama namin sa vlog. Sasabihin ko kung paano tatakbo 'yung storyline para lahat kami alam namin 'pag nag-rolling na kami, alam na namin 'yung mga role namin. Tapos 'yun, ganu'n lang tumatakbo 'yung istorya namin, wala kaming binabasang script," pagdedetalye ni Peralta.

Childhood memories naman ang bentahe ng mga content ni Spencer Serafica. Ang 19 anyos na binata ang kinilalang 'Top Tiktok Artist' noong nakaraang taon. Bunga raw ito ng malikot na pag-iisip sa mga skit na kaniyang inilalabas.

"Kailangan mo ng kakaibang personality para mag-boom. Hindi tayo gagaya dapat sa iba, dapat mag-build tayo ng sarili nating identity," ani Serafica.

Gaya ni 'Mommy Gangster,' nitong panahon ng pandemya lang din pumasok sa content creation si Serafica. Umaabot sa 500 million likes ang kaniyang videos sa TikTok mula sa kaniyang higit 12 million followers.

"Hanggang ngayon po, hindi ako makapaniwala na ang daming sumusuporta sa akin kasi parang trippings ko lang po talagang gumawa ng TikTok tapos biglang boom. Ang dami mo nang napapasayang tao, parang nakaka-overwhelm, nakakatuwa," kuwento niya.

Nakakakuha rin ng mga negatibong komento ang mga content creators ang gaya ni Serafica. Pero ayon sa kaniya, ginagamit niya itong inspirasyon para pagbutihin pa ang kaniyang ginagawa.

Sa kaso naman ni 'Mommy Gangster,' hangga’t nakasuporta ang pamilya ay ipagpapatuloy niya ang pagpapasaya sa kaniyang mga tagasuporta.

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.