PatrolPH

KBYN: Kilalanin ang agaw-pansing 'traffic enforcer' ng Laguna

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2023 01:01 AM

Watch more on iWantTFC

Nakasuot ng sando, chaleco, ripped jeans, sneakers, shades, bandana at malaking back pack.

Sa unang tingin, aakalain mong menor de edad si Nico Guelas na madalas na nasa kalsada ng Pacita, Laguna.

Isa siyang volunteer traffic enforcer sa lugar at limang taon na niyang ginagawa ito.

Hindi iniinda ng 19 taong gulang na si Guelas ang init ng araw kahit halos masunog na ang kaniyang balat.

"Marami pong nadidisgrasya diyan, nasusugatan, parang nakonsensiya po. Inaalalayan ko po sila. Madami na pong nalalaglagan dito. Ako po ang nagbabalik sa mga 'yan kaya po malaki na ang tiwala sa akin dito ng mga tao. 'Pag 'di atin, ibalik natin," pagbabahagi niya sa KBYN.

Sa tagal na ni Guelas sa lugar, may mga motoristang tiwala na sa kaniya at nag-aabot pa ng tulong sa kaniya.

Pagkatapos gumabay sa mga motorista, rumaraket din siya bilang parking boy.

Tinitiyaga niya ang ganitong kabuhayan dahil sa hirap ng kanilang buhay.

Walang trabaho ang kaniyang ina habang bago lamang nagkaroon ng trabaho ang kaniyang ama bilang security guard.

"Naaawa nga po ako dahil sa talagang kahirapan namin. Wala po kaming magawa kasi wala naman po akong trabaho. Extra extra lang tapos 'yung asawa ko ngayon lang nakapasok ng trabaho," kuwento ng kaniyang ina na si Divina.

Pansamantalang huminto sa pag-aaral si Guelas para makatulong sa pamilya.

Sa kabila ng kaniyang sakripisyo, hindi niya nalilimutang pagtuunan ng pansin ang kaniyang talento sa pagguhit.

"Maliit pa lang po ako mahilig na po akong magdrawing kaya po fine arts ang napili ko. 'Yun po 'yung paborito kong kurso. 'Pag po ako nakatapos ng pag-aaral, pangarap kong makapunta ng ibang bansa," aniya.

Alamin ang kabuuan ng kaniyang kuwento dito lamang sa KBYN: Kaagapay ng Bayan kasama si Kabayan Noli de Castro.

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.