ALAMIN: Paano gumagana ang acupuncture sa katawan
ABS-CBN News
Posted at Apr 22 2023 02:24 PM
Paano nga ba nakakatulong ang acupuncture? Ano ba ang mga benepisyo nito? Bakit may kuryenteng nararamdaman tuwing sumasailalim dito?
Sinagot ni Dr. Philip Nino Tan-Gatue, isang certified medical acupuncturist, ang ilan sa mga tanong tungkol dito sa panayam sa kaniya sa ABS-CBN TeleRadyo ngayong Sabado.
Binigyang linaw ni Tan-Gatue na ang acupuncture ay hindi nakapokus sa kung eepekto ba ito o hindi, subalit sa kung saan ito mapapakinabangan.
“The ones na most useful siya obviously is muscle pain,” aniya.
Ipinaliwanag niya na ang sakit mula sa muscle o balat ay pupunta sa spinal cord at dadaloy papuntang parte ng utak na magdidikta nito.
“So thalamus 'yung pinaka-relay center kung saan sasabihin niya, ito galing sa mata, ito galing sa tenga, ito galing sa pain, ito galing sa hit.”
Gumagana aniya ang acupuncture sa pagdaloy pa lamang nito sa spinal cord bago makarating sa parte ng utak na magsesenyas upang gumaling ang sakit.
“Hindi pa siya umaabot ng brain, may mga effect na siya,” paliwanag ni Tan-Gatue.
Dagdag pa nito, na sa pamamagitan ng acupuncture ay may kaunting paglabas din ng Adrenocorticotropic hormone o ACTH na rumeresponde sa stress ng katawan.
“Kaya lumalambot din yung muscles, nababawas yung mga pamamaga,” sabi niya.
Depende rin daw sa gumagawa ang sakit na mararanasan ng pasyente sa karayom na itutusok, at iba raw ito sa nararamdamang kaunting bigat o kuryente.
Paglilinaw niya na hindi ito dala ng tusok ng karayom ngunit parte ng epekto ng acupuncture at senyas na gumagana ang medisina.
“That’s what it feels like yung parang may gumuguhit na kuryente.”
Upang maiwasan ang mga pekeng acupuncturist ay ugaliing suriin ang credentials nito at sertipiko mula sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care, ayon kay Tan-Gatue.
Maaaring bisitahin si Dr. Philip Nino Tan-Gatue sa Chinese General Hospital at Philippine General Hospital, o i-message siya sa kanyang Facebook page.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, TeleRadyo, PatrolPH