Tita Winnie nagninilay, naglilinis tuwing Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 05:33 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kung ang karamihan ay sinasamantala ang Semana Santa upang makapagbakasyon at mag-enjoy na walang trabaho, iba naman ang nais gawin ng host na si Winnie Cordero.

Kuwento ni Cordero, na mas kilala bilang Tita Winnie, hindi sila nagbabakasyon ng kaniyang pamilya kapag Semana Santa upang gampanan muna ang kanilang mga "religious obligation."

"Inuuna kasi namin na ma-fulfill muna 'yung religious obligations kapag Holy Week because siyempre inaalala natin ang mga sakripisyo ni Hesus," sabi niya sa isang panayam sa DZMM.

Kabilang aniya dito ang pagbi-Visita Iglesia o ang pag-iikot sa sari-saring simbahan.

"Pag Holy Thursday nagbi-Visita Iglesia kami. Ako nagpa-plano no'n kung saang area kami," sabi ni Cordero.

Iniiwasan din nilang pamilya ang pagkain ng karne at sa halip ay puro isda at gulay lang ang kaniyang laging ihinahain hanggang sumapit ang Linggo ng Pagkabuhay.

At dahil nasa tahanan lang, itinataon na rin ni Cordero ang paglilinis at pagtatapon ng mga hindi na kailangang kagamitan

"Sinasabay ko na rin, dahil bakasyon, ang spring cleaning. Tingin tingin ako kung ano ang ile-let go ko," sabi niya.

"Hopefully matapos ko siya sa Easter Sunday so pray for me," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.