PatrolPH

ALAMIN: Myths versus Facts sa pagtutuli

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2023 12:50 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pampatangkad ba ang pagpapatuli? Binabago ba nito ang boses ng nagpatuli? Nagdudulot nga ba ng "pangangamatis" ang pagpapakita nito sa mga babae? 

Ito ang ilan sa mga binigyang-linaw ni Dr. Samuel Vincent Yrastorza, isang urologist, sa panayam sa kaniya sa ABS-CBN TeleRadyo ngayong Sabado.

Ayon kay Yrastorza, "hindi" ang sagot sa nasabing mga katanungan.

Aniya, ang pagtutuli sa mga batang lalaki ay nagkataon lamang na ginagawa kung kailan nagsisimula na silang magbinata. 

This photo take on May 10, 2019, shows a boy covering his eyes while being circumcised during a mass circumcision at a village health center in Manila. Noel Celis, AFP/File
This photo take on May 10, 2019, shows a boy covering his eyes while being circumcised during a mass circumcision at a village health center in Manila. Noel Celis, AFP/File

“Nagiging adolescent na sila, lumalabas na ang masculine features nila. Kasama na ‘yan sa pagiging teenager," paliwanag niya hinggil sa pagbago ng boses ng mga lalaki, maging sa pagtangkad ng mga ito.

Ang "pangangamatis" naman aniya ay bunsod lamang ng pamamaga ng balat ng ari ng lalaki matapos tuliin. "Reaction lang 'yan dun sa operation," sabi ni Yrastorza.

Sinabi ng doktor na "scientifically speaking", hindi naman daw kinakailangan ang pagtutuli o pagtanggal ng balat sa ari ng lalaki kung nalilinisan naman ito nang maigi.

Ang dahilan kung bakit sumasailalim sa tuli ay upang matanggal ang balat sa ari at walang matirang ihi sa loob nito na nagsasanhi ng smegma o kupal.

Ang kupal ay nagdudulot ng infection o irritation na maaaring maging sanhi ng penile cancer.

“Kasi kapag tinuli na, lumalabas na yung ulo (ng ari) ng lalaki. So bumababa ang chance na magkaroon ng kupal kasi hindi na naiipon ang ihi doon sa balat,” paliwanag ni Yrastorza.

"In a way, talagang circumcision is a protective procedure to prevent irritation ng ari ng lalaki at to prevent penile cancer. In fact, ang penile cancer is mataas sa mga countries na hindi nagpapatuli at hindi maganda ang kanilang personal hygiene," dagdag niya.

Dagdag niyang makaiiwas rin daw ito sa pagkakaroon ng Sexually Transmitted Disease (STD) dahil wala nang kakapitan ng bacteria.

Maliban sa medical reason na ito, naiuugnay rin sa relihiyon at kultura ang pagpapatuli, sabi ng Yrastorza.

Karaniwang 9 hanggang 13 anyos ang mga nagpapatuli base sa nakagawian na, sabi niya.

Para sa kaniya, mahalagang suriin muna nang maigi ang kondisyon ng bata kung handa na ba itong sumailalim sa operasyon.

“Yung phsycological or mental conditions ay hindi pa ganoon ka-firm. Madali pang matakot. Minsan hindi pa nila alam kung bakit sila tinutuli... Otherwise, magiging trauma lang sa kaniya yan,” sabi ni Yrastorza.

Kaakibat nito ang lagay ng ari ng pasyente at wala naman aniyang kinalaman talaga sa edad.

“Hindi ko ‘yan pinipilit. Sinasabihan ko yung mga magulang, ‘We can wait another year or two years'," sabi niya.

Sa ngayon ay mayroon pa ring nakagawiang paraan ng pagtuli gaya ng dorsal slit at german cut. Kalaunan ay meron nang cautery at laser procedure.

Hindi inirerekomenda ni Yrastorza ang tradisyunal na pamamaraan kung saan pinapanguya ang tinutuli ng dahon ng bayabas, sapagkat maari aniya itong magsanhi ng bacterial infection.

Nagkakahalaga aniya sa ngayon ng P2,000 to P3,000 ang pagpapatuli sa mga pribadong ospital, at may mga package ring umaabot ng P10,000 hanggang P40,000, depende sa ospital.

Maaari ring bumisita sa mga government hospitals o medical mission para sa libreng operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.