PatrolPH

'Tindera n'yo engaged na po': Live online selling nauwi sa proposal

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 06:43 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Nauwi sa engagement ang ginawang live online selling ng isang negosyanteng babae sa Facebook matapos na mag-propose ang kaniyang long-time boyfriend noong Abril 5, 2021.

Kuwento ni Rienz Crystal Viernes at Josephous Sumaylo Ramas, higit pitong taon na ang kanilang long-distance relationship.

“Mahirap lalo na nung una, text and calls lang po. Minsan may misunderstandings pero naayos naman po namin,” sabi ni Viernes sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga.

Sabi naman ni Ramas, may limang buwan pa lamang silang magkasama dahil siya ay taga-Las Piñas at sa Nueva Ecija naman nakatira ang pamilya ni Viernes.

Matagal na aniyang plano ni Ramas na mag-propose kay Viernes. Mas napabilis ito nang maaksidente sila pareho sa motorsiklo.

“Una po, nagpaalam muna ako sa magulang niya na magpo-propose po ako sa kanya," sabi ni Ramas.
 
Dagdag niya, "Dahil sa pandemic, 'di ako makakuha ng magandang lugar para doon mag-propose. Nagkataon naman pinush niya 'yung live selling. Two days before live selling niya naaksidente kami sa motor; buti naman po minor injury. Doon na ako nag -push na nung araw na April 5 na i-propose ko na ito, baka 'di na matuloy kasi nga ganun nangyari. Kinunstaba ko po 'yung kapatid niya saka 'yung mama n'ya po. Nakabili po ako ng cake kaya habang nasa gitna siya ng live selling niya nilakasan ko loob ko kasi nakakaba po talaga.”

Laking pasalamat naman nila sa isa’t isa na sa kabila ng maraming pagsubok na dala ng long-distance relationship ay mas tumibay pa ang kanilang pagmamahalan.

“Kahit long distance kami ‘di niya ipinaramdam na malayo siya. Kahit sobrang hirap ng communication namin, and'yan siya, hindi niya ipinaramdam layo namin sa isa’t isa,” sabi ni Viernes.

Sa bandang huli ng live online selling ni Viernes sa Facebook page niyaa noon Abril 5, masaya niyang ibinahagi sa mga suki niya sa negosyo na: “Tindera n'yo engaged na po.”

- TeleRadyo 15 Abril 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.