Pag-ibig na kaya? Love vs infatuation

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 05:14 PM | Updated as of Aug 28 2018 05:41 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Paano malalaman kung ang nararamdaman mo para sa isang tao ay tunay na pag-ibig, o "infatuation," o hangal na pag-ibig?

Ito ang paksang tinalakay ng relationship coach na si Aileen Santos sa programang "Sakto" ng DZMM nitong Miyerkoles.

Ayon kay Santos, nakabatay sa kung gaano natin kakilala ang isang tao kung pag-ibig o hindi ang ating nararamdaman. 

"Infatuation [siya] 'pag mga tipong one year and below pa lang, tapos 'di mo talaga kilala ‘yong tao," aniya.

Infatuation umano ang nararamdaman kapag mga piling katangian lang ang napapansin sa isang tao, na hindi labis naglalarawan sa kaniyang buo o tunay na pagkatao.

Halimbawa sa mga sitwasyong "infatuated," ani Santos, ay kapag nagkakagusto sa isang taong may mga katangiang katulad ng sa kinakikiligang karakter mula sa isang teleserye.

"Lalo na kunyari uso ngayon K-drama, dahil iyon 'yong obsession mo ... Akala mo tumitibok puso mo kasi akala mo 'yong karakter doon sa mga palabas, iyon din 'yong nasa kaniya," paliwanag ni Santos. 

"Pero sa totoo lang mas malaking ang chance na hindi," ani Santos.

Maaari ring infatuation ang nararamdaman kapag may mga katangian ang isang tao na nakapagpapaalala sa isang dating gusto o dating karelasyon. 

"So kailangan makilala mo kung sino siya para hindi lang ‘yong akala mo ‘yong character niya," ani Santos.

Mas malaki umano ang tsansang makaramdam ng infatuation ang mga kabataan dulot ng mga hormone, na nagpapalabis sa mga nararamdamang emosyon.

"Everything is a big deal, even 'yong love, 'yong kilig, mas dramatic siya," ani Santos. "Puwedeng mapagkamalang love talaga."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.