ALAMIN: Tips para makaiwas sa stretch marks

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 08:20 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Karaniwang nagkakaroon ng tinatawag na stretch marks kapag nagbubuntis dahil na rin sa pag-"stretch" ng balat para sa dinadalang sanggol sa sinapupunan.

Ibinahagi ni Cory Quirino sa programang "Ma-Beauty Po Naman" sa DZMM ang ilang tips para maiwasan ang stretch marks.

Ayon kay Quirino, mainam na alagaan ang balat bago pa man magbuntis para makontra ang pagkakaroon ng stretch marks.

"Magpahid lang ng maraming virgin coconut oil or shea butter," aniya. "Ipahid at marahang imasahe [ang oil o butter] sa katawan sa umaga at sa gabi."

Sabi ni Quirino, mainam na panatilihing moisturized ang balat para hindi ito basta-basta magkaroon ng stretch marks at para na rin pangontra sa signs of aging o hitsurang pagiging matanda ng balat.

Dagdag ni Quirino, dapat ding iwasan ang pagsusuot ng masisikip na damit dahil nakaaapekto ito sa daloy ng dugo.

"Nakakapigil sa maayos na pagdaloy ng dugo sa katawan," paliwanag ni Quirino. "Ang nangyayari ay 'yong [napigil na] circulation o pagdaloy ng dugo sa katawan ay hindi maganda para sa balat."

Aminado naman ang isang doktor na mahirap tanggalin ang stretch marks kapag nariyan na.

May ilang laser procedure na maaaring magpa-lighten ng kulay ng stretch marks para hindi masyadong maging halata.

Isinasagawa kadalasan ang mga ganitong laser procedure ng ilang sesyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.