PatrolPH

The Correspondents CA Throwback: Bayan sa Camarines Norte mayaman umano sa ginto

Sherwin Tinampay, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2023 10:28 PM | Updated as of Feb 03 2023 04:18 AM

Watch more on iWantTFC

Sagana umano sa ginto ang munisipalidad ng Paracale sa Camarines Norte.

Karamihan sa mga residente dito ay mga 'magkakabod' o small-scale miners.

Sa pagbisita ng grupo ng ABS-CBN News sa pangunguna ni Abner Mercado noong 2007, napag-alaman na may mga kabataang sumasabak sa ganitong hanapbuhay.

Ang noon ay 12 taong gulang na si Joey Yet, ibinahagi na 8 taong gulang pa lamang nang matutunan ang pagkakabod.

Sa kabila ng maagang pagkamulat sa paghahanapbuhay dala ng kahirapan, may pinanghahawakan pa rin siyang pangarap.

"Gusto ko po, sana po, makatapos ako ng pag-aaral," kuwento niya.

PELIGRO NG 'PAGKAKABOD' 

Sa unang pagbisita ng ABS-CBN News team sa Camarines Norte noong 2000, nakilala ng grupo ang 'magkakabod' na si Roberto Bolo.

Minana ni Bolo ang ganitong hanapbuhay sa kaniyang ama.

Compressor mining ang kaniyang ginagawa.

Sumisisid siya sa ilalim ng hinukay na lupa para makakuha ng mga ginto.

Para makahinga habang sumisisid, gumagamit ang mga gaya ni Bolo ng isang makeshift compressor na kadalasa'y amoy langis ang hinihingahan.

Nang tanungin kung nababahala ba siya sa klase ng hanging nalalanghap niya habang sumisisid, "Ewan ko po at medyo bata pa naman ako. Hindi ko pa naman maramdaman," sagot ni Bolo.

Higit pitong taon ang nakalipas, huminto na si Bolo sa pagsisid dahil sa isang pangyayari.

Nabalda siya nang dahil sa pagko-compressor.

"Hindi po ako nakalakad. Para pong patay ang kalahati ng katawan ko. Two months po siguro," ani Bolo.

Tinalikuran na niya ang pagko-compressor at pagtitibag na sa tunnel ng mga minahan ang kaniyang pinasok.

Alamin ang kuwento ng mga Pilipinong nabubuhay sa pagmimina sa dokumentaryo ng programang 'The Correspondents' na unang ipinalabas sa ABS-CBN Channel 2 noong 2007.

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.