KBYN: Lalaki sa Bulacan hindi makontrol ang paggalaw ng katawan
ABS-CBN News
Posted at Jan 28 2023 05:40 PM | Updated as of Jan 28 2023 05:48 PM
Hindi makontrol ng 46 taong gulang na si Arnold Gatdula ang paggalaw ng kaniyang katawan.
Bigla na lamang naging hindi normal ang kaniyang kondisyon, anim na taon na ang nakararaan.
"Nagsimula po ang kaniyang sakit sa pagpadyak-padyak po ng kaniyang paa hanggang sa unti unti na po siyang nahihirapan magmaneho po ng sasakyan. Hindi na po siya makalakad," kuwento ng kaniyang kapatid na si Alejandro, Jr.
Ayon sa isang espesyalista, may sakit na "X-linked Dystonia-Parkinsonism" o XDP si Arnold.
"'Yung 'X-linked' ito ay pattern of inheritance kung paano siya namamana. Kung ang nanay ay carrier ng isang mutation ng X, puwede niyang kahit normal 'yung tatay, puwede itong maipasa sa anak na lalaki. 'Pag sinabi mo namang 'dystonia,' ito'y isang sakit sa utak, sa galaw specifically, tinatawag natin itong 'movement disorder.' Ang nangyayari dito 'yung utak nagsesend ng signal sa muscles na gumalaw involuntarily. Wala kang control. So, naka-aapekto ito sa daily activities ng pasyente," pagdedetalye ng adult neurologist na si Dr. Maria Luisa Gwenn Pabellano-Tiongson.
Makalipas ang 10 hanggang 15 taon, maaaring magtungo sa sakit na "Parkinsonism" ang kondisyon ni Arnold, ibang kondisyon sa tipikal na Parkinson's disease.
Sa kasamaang-palad ay walang lunas ang pambihirang uri ng karamdamang ito.
"We can offer symptomatic treatment. Puwede nating mapa-slow down 'yung progression nung paggalaw, macontrol natin 'yung mga spasms ng pasyente. Fortunately, may mga gamot tayo locally available sa atin na puwede ibigay. Hindi lang sila over-the-counter," ani Dr. Pabellano-Tiongson.
Nagkaroon ng sariling pamilya si Arnold subalit nasa Nueva Ecija ito at hindi niya kapiling sa Bulacan.
Tanging si Alejandro lamang ang nakakasama nito at nag-aalaga sa kaniya sa munti nitong tahanan.
"Madalas po siyang umiyak mag-isa dito 'pag mag-isa po siya. Siguro po dahil sa lungkot dito na wala siyang kasama wala 'yung pamilya niya," pagbabahagi ni Alejandro kapag naiiwanan ang kapatid.
May pagkakataon na hindi nakaiinom ng gamot si Arnold dahil na rin sa kakulangan sa pinansiyal.
Para makatulong sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan, naghatid ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Guiguinto, Bulacan at ang KBYN.
Panoorin ang kabuuan ng sitwasyon ni Arnold Gatdula sa KBYN: Kaagapay ng Bayan kasama si Kabayan Noli de Castro.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, KBYN, Current affairs