Prince William, Kate Middleton destined for each other

Posted at Apr 20 2011 11:42 PM | Updated as of Apr 21 2011 07:42 AM

Isang modernong fairy tale at kuwento ng pag-ibig -- prinsipe, ikakasal sa isang pangkaraniwang mamamayan ng UK.

Noong 2001, pumasok si Prince William sa St. Andrew's University, ang pinakamatandang unibersidad sa Scotland.

Hindi niya inakalang sa pagpili niya rito ay dito rin niya makikilala ang babaeng pakakasalan niya.

“It was almost an act of fate, their meeting. They shared the same residence hall in the small university,” sabi ni Georgdie Greigg, editor ng Tatler.
 
Sa St. Andrew's, namuhay gaya ng mga karaniwang university student si William.

“I do my own shopping, I take away to rent videos, go to cinema. It's so good and it's no big deal. This is what i really want to be,” sabi ni Prince William.

Si Kate Middleton naman, first year din sa St. Andrew's at nakatira sa kaparehong residence hall nina William.

Dahil magkaklase sila sa ilang mga subject, naging malapit sina Prince William at Kate.

Nang muntik nang umatras sa kanyang Art History class si Prince William, si Kate diumano ang nagkumbinsi sa kanyang magpatuloy.

Tuluyang nabighani kay Kate si William nang rumampa si Kate sa isang student fashion show na dinaluhan din ng prinsipe.

Noong April 2004, lumantad na sa publiko ang relasyon nina William at Kate nang lumabas ang larawan nilang magkahawak-kamay habang nasa ski resort.

Gaya ng ibang magnobyo, dumaan din sa pagsubok ang relasyon nina William at Kate at muntik pang hindi magkatuluyan.

Ang kabuuan ng kuwento ng pag-iibigan nina William at Kate sa espesyal na BBC documentary na "A Royal Engagement" na mapapanood niyo dito sa ABS-CBN Channel 2 sa Linggo bago mag-ASAP Rocks.

Samantala, makakatuwang ng ABS-CBN ang British Broadcasting Corporation o BBC, ang pinakamalaking broadcasting organization sa buong mundo, sa paghahatid ng "Royal Wedding of the Century."

Mapapanood ang full coverage ng Royal Wedding nina Prince William at Kate Middleton sa The Lifestyle Channel SkyCable sa April 29.

May live special coverage din ang ANC at Studio 23.

Mapapanood din ang mga live updates ng “Royal Wedding of the Century” sa ABS-CBN Channel 2.