Babaeng Rohingya, 'ginahasa habang ginigilitan ng mga sundalo ang mister'

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 02:05 AM | Updated as of Dec 15 2017 06:01 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tahanan ngayon ng halos isang milyong Rohingya refugees na lumikas mula sa Myanmar ang Cox's Bazar sa Bangladesh.
 
Simula noong Agosto, higit 600,000 refugees na ang naitalang tumawid ng border papuntang Bangladesh.
 
Si Lt. Col. Monzurul Hassan Khan ang isa sa mga unang nakakita ng pagtawid ng mga Rohingya mula sa Myanmar papuntang Bangladesh matapos ang aniya'y serye ng putukan at pagsabog doon nitong Agosto .
 
Nasa 500 babae at batang Rohingya ang nakita ni Monzurul na sinusuong ang harang na barbed wire sa border para lang makatakas sa karahasan.

Bilang commanding officer ng border guard ng Bangladesh, trabaho ni Monzurul na siguruhing walang makakapasok sa Bangladesh nang walang sapat na papeles. 

Pero sa araw na iyon, nanaig ang pagiging tao ng beteranong sundalo, dahil nakita niya ang takot ng mga Rohingya na gustong makaalis sa gulo.
 
Hindi naman lahat ay nakatawid sa border nang ligtas.
 
Kuwento ni Sabekun Nahar sa binansagang "No Man's Land," sa harap niya mismo binaril ang dalawa niyang anak.

Patay ang kaniyang 20 anyos na anak na babae at 12 anyos na anak na lalaki.

Itinuturo niya ang mga sundalo ng Myanmar na silang gumawa ng krimen.

Tanging ang 22 anyos niyang anak na lalaki ang nakasama niyang tumakas papunta sa Bangladesh.
 
Ilang metro na lang sana ang layo nila mula sa border nang makaapak siya ng landmine. 

Naputol ang dalawang binti ni Sabekun.
 
Nakatakas man sa Myanmar, habambuhay nang lumpo si Sabekun.

Isa rin sa tumakas mula sa Myanmar ang 26 anyos na si Hosni Ara.
 
Kuwento niya sa mapait na sinapit, tatlong sundalo ng Myanmar ang aniya'y gumahasa sa kaniya sa harap ng kaniyang pamilya.

Tinangka ng kaniyang mister na iligtas siya.

Pero habang pinagpapasahan si Hosni Ara ng mga gumagahasa sa kaniya, ginilitan naman ng iba pang sundalo ang kaniyang mister. -- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.