'Fake news, hate speech: Walang puwang sa makabuluhang diskurso'

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 01:02 PM | Updated as of Oct 24 2018 01:03 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi na dapat pang mabigyan ng puwang sa social media ang accounts o pages na nagpapalaganap ng fake news o hate speech, ayon sa isang propesor sa University of the Philippines.

"Yung hate speech na ginagawa ng ilang pages na 'yan--yung 95 pages and 39 accounts--wala pong lugar 'yan sa makabuluhang diskurso at paghuhubog ng opinyong pang publiko," ayon kay Prof. Danilo Arao ng College of Mass Communication ng University of the Philippines.

Sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Arao na tama lamang ang ginawa ng Facebook na linisin ang mga account at page na kahina-hinala.

"Kaya welcome ang development na ito bagama't dapat maging mapagbantay pa rin tayo kasi 'yung Facebook talaga may hit or miss 'yan na tendency sa usapin ng pag-suspend ng account o pag delete ng pages," aniya.

Martes nang ibalita ng Facebook ang pagtanggal sa platform nito ng 95 pages at 39 accounts na lumabag sa spam at authenticity policies nito.

Ilan sa mga page na natanggal ay may pangalan na Duterte Media, Duterte sa Pagbabago BUKAS, DDS, Duterte Phenomenon, DU30 Trending News, Hot Babes, News Media Trends, Bossing Vic, Pilipinas Daily News, Like and Win, Manang Imee, and Karlo and Probinsiyano.

"These pages ranged from political to entertainment content, but all were sharing links to the same advertising click farms off Facebook," sabi ng Facebook sa isang pahayag.

Sa kabila ng pagtanggal sa Facebook, inamin naman ni Arao na wala namang nagbabawal sa mga ito na muling magbukas ng account o page sa nasabing platform.

"Pero s'yempre, it would take time for them to create that number of followers unless bubuhusan mo ng pera," sabi ni Arao.

Pakiusap naman niya sa netizen na patuloy na mag-report ng mga kahina-hinalang accounts na nagpapalaganap lamang ng hate speech.

"Yung pagpapakalat ng fake news mangyayari pa rin 'yan kaya 'yung demand natin sa mga tao huwag tumulong sa pag-share at pagpapakalat ng mga hate pitch o fake news. DZMM, 24 October 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.