Jennylyn's fans walk out of MMFF awards

Posted at Dec 27 2010 11:22 PM | Updated as of Dec 28 2010 10:59 AM

Tatlumpu't anim na taon nang tradisyon ng sineng Pilipino ang Metro Manila Film Festival Awards night.

Ngayong 2010, may mahahalagang pagbabago sa taunang parangal.

Isa rito ang criteria sa pagpili ng festival Best Picture na hindi na base sa laki ng kinita sa takilya.

Pinalawak din ang komite na sumusuri sa mga pelikula,

"In-expand natin 'yung board of jurors, kasama po ang isang public school teacher, student, housewife at bus driver," sabi ni Francis Tolentino, chairman ng MMDA.

Sa fearless forecast ng ilan, matunog na magwawagi ang cast ng period film na “Rosario.”

Kabilang si Jennylyn Mercado para sa Best Actress at Albert Martinez na direktor ng pelikula.

"Merong konting pressure pero wala akong kaba. Hindi ko kasi iniisip, eh. Wala naman akong expectations," sabi ni Jennylyn.

"Win or lose nanalo na kami because it took us 5 years to make this film," sabi naman ni Albert.

Iba ang naging takbo ng parangal, hindi napabilang si Jennylyn sa mga nominado sa Best Actress.

Hindi naman naging madaling tanggapin para sa fans na nag-walk-out sa parangal.

Sa kabila nito, buo ang suporta ng mga artista kay Ai Ai delas Alas na nagwaging Best Actress para sa “Tanging ina Mo Rin (Last Na ‘To).”

"I didn't get any nomination, so I have no reaction about that," sabi ng aktres na si Kris Aquino. "I'm so happy for 'Friendship' because she truly truly deserves it."

"Congratulations to Ai ai!" sabi naman ni Diether Ocampo.

Saludo rin si Yul Servo, na isa sa mga nomindo sa panalo ni Dolphy para sa Best Actor at Best Supporting Actor.

"Masaya rin ako napunta kay Mang Dolphy, talaga namang magaling siya," sabi pa ni Yul.

Sa huli nagkakaisa ang mga artista, na ang pasiglahin ang sine Pilipino ang pinakamalaki pa ring tropeo. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino