Juday loses 40 pounds

Posted at Nov 16 2011 10:51 PM | Updated as of Nov 17 2011 01:12 PM

Napa-wow ang entertainment press sa mas sumeksi pang Judy Ann Santos na ipinakilala ang 12 finalists ng “Junior Master Chef Pinoy Edition.”

Mahigit 40 pounds na ang nabawas sa timbang ni Juday at ang sikreto niya: disiplina.

“Mga 120 pounds na ako, nag-gym, nag-jogging, nag-yoga,” kuwento ni Juday.

Hindi nga aakalain na isang taon lang mula noong nanganak si Juday.

Pagkakataon naman ni Mrs. Agoncillo na linawin ang isyu ng pagkaka-link ng mister niyang si Ryan sa host na si Dianna Meneses.

Hindi inilihim ni Juday ang paghingi niya ng sorry kay Dianna lalo’t wala namang katotohanan ang isyu.

“Kaya nga nag-sorry rin ako kay Dianna kasi bago pa lang siya sa industriyang ito tapos ganoon ang pag-welcome sa kanya. Nakakahiya,” sabi ni Juday.

Malapit na isyu naman kay Juday ang pinagdadaanan ng itinuturing niyang ate sa showbiz na si Megastar Sharon Cuneta.

Laman ng mga tabloids ngayon ang spekulasyon na lilipat ng network ang Megastar.

Ilang beses na ring dumaan sa ganitong intriga si Juday.

“Sa bawat artista naman hindi mo maiiwasan na may kumausap sa iyo or may mag-offer sa iyo,” sabi ni Juday.

Giit ni Juday, kung saan masaya ang kanyang ate ay susuportahan niya.

“Ang hirap kasing magbigay ng opinyon sa issue na iyan kasi hindi pa rin naman kami nagkakausap ni Ate Sharon,” paliwanag ni Juday.

Ayon naman sa manager ni Sharon na si Sandra Chavez, wala pang pinal na desisyon ang Megastar sa ngayon. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino