James’ camp files gag order vs. Kris

Posted at Nov 03 2010 11:12 PM | Updated as of Nov 04 2010 11:19 AM

Sa pictorial ng horror film na "Dalaw," walang humpay ang panunukukso ng Queen of All Media na si Kris Aquino sa stylist at kaibigang si Liz Uy, na nauugnay sa kuya niyang si President Noynoy Aquino.

Unang humirit si Liz, sa "posing" bilang mag-asawa nina Kris at leading man na si Diether Ocampo na sinagot naman ni Kris.

“Si Liz talaga. Ganyan din ba kayong mag-posing? Hahahaha. Gotcha there. Sige, Liz, turuan mo ako ha,” pagbibiro ni Kris.

Si Liz, mailap pa rin sa kamera sa isyu ng pagkakaugnay niya sa kanyang boss, marami man ang nakakakita na lumalabas sila ng Presidente. Ayon naman kay Kris, hindi dapat gawing big deal kung may namamagitan man sa dalawa.

“Wala naman sila kasi dapat itago. Liz is very much single and so is my brother. If they’re getting to know each other at this point karapatan nila 'yan,” ani Kris.

Hindi daw hahadlang si Kris sa love life ng kapatid.

“Kung pinapaligaya nila ang isat-isa, sana magpatuloy ‘yun. We should respect the fact na kahit kapatid ko siya, pinuno natin si Noy,” dagdag pa ni Kris.

Samantala, balak namang awatin ng kampo ni James Yap ang Queen of Talk sa pagsasalita patungkol sa kanilang annulment.

Nagsampa ang kampo ni James ng mosyon para sa gag order sa Makati RTC. Sabi ni Atty. Lorna Kapunan, isa itong family case, na dapat sa loob ng korte lamang pinag-uusapan.

“We have found Kris ventilating her concerns to the media. Trial by publicity. It has to stop. James... doesn’t have influence in media,” ani Kapunan.

Ayaw daw palakihin pa ni Kris ang isyu.

“Alam mo kasi mahirap awayin ang taong binabayaran ng ex mo. I mean, anything I say will be misinterpreted,” ani Kris.

Nagkausap na sina Kris at James na huwag nang pag-usapan ang isa't-isa. Pabor din si Kris sa gag order.

“Kung anu-ano naman ang ibinato na ng kaso ni James wala akong magagawa, so ngayon kung feeling nila sila ang natatamaan. Good, it's a blessing for Bimby. Because ultimately ang kailangan protektahan ‘yung feelings ng anak ko,” paliwanag ni Kris.

Sa Biyernes ng umaga didinggin ang mosyon sa gag order. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino