Liezel: Marriage to Robin not yet annulled

Posted at Sep 24 2010 09:15 PM | Updated as of Sep 25 2010 08:56 AM

Nagulat man ang marami sa pagbunyag nina Robin Padilla at Mariel Rodriguez na isang buwan na silang kasal sa India, iba  ang reaksyon ng dating asawa ni Binoe na si Liezel Sicangco na nakabase na sa Australia .

“Wala lang, wala lang po, kasi sanay na ako diyan eh. Before pa po kasal pa kami ni Robin nangyayari na 'yan, ngayon pa may sarili na akong buhay. Di na po ako masha-shock,” ani Liezel.

Taong 1996 nagpakasal sina Robin at Liezel sa Islam rites sa loob ng New Bilibid Prison, kung saan nakulong si Binoe for illegal possession of firearms. Sinundan ito ng civil ceremony.

Matapos ang mahigit 11 taon, naghiwalay sina Liezel at Robin. Pero, ayon kay Liezel, di pa sila annulled ni Robin.

“Hindi pa po tapos, iyon nga 'yong problema ko eh.  Gusto ko ma-annul 'yong civil wedding,” aniya.

Nakabinbin pa rin daw ang "divorce" ng Muslim marriage nila sa korte sa Marawi sa Mindanao.

“Yung divorce di pa rin po finalized 'yon. Kaya problema pa rin 'yon. Pero 'yon daw lalabas na,” aniya.

Inamin din ni Liezel isa sa mga nagpapatagal sa proseso ng divorce ang usaping pera.

Pero ayon naman sa family lawyer na si Katrina Legarda, hindi saklaw ang annulment sa Sharia law ng mga Muslim.

Kung diborsyo naman ang usapin, marami ang dapat isaalang-alang, kabilang ang kakayanan na sustehan ang pamilya.

“Kung hindi sila nag-divorce, hindi siya pwedeng mag-asawa unless he asks permission of his wife kasi pwede siya mag-asawa four times… The only condition is he’s able to provide the other wives like his first wives,” ani Atty. Legarda.

Dagdag ni Liezel gusto niyang matapos na ang legal na paghihiwalay nila ni Robin para maayos ang residency status niya sa Australia.

“Matagal ko na pong pangarap 'yong maging ano, di na maging Mrs. Padilla,” aniya.

Ayon kay Robin Padilla, ayaw na niyang magsalita at baka madiin lang si Liezel.

“I will not say anything that will incriminate Liezel... Islamically we are [divorced], we are both married, so pls let us have our peace,” ani Robin sa text message niya sa ABS-CBN News.

Sa batas ng Islam, sila'y divorced at pareho na silang kasal at gusto nila ng katahimikan! Marie Lozano, Patrol ng Pilipino.