Rampanalo player na nais ipagamot ang kapatid na may kanser, wagi ng P118-K
ABS-CBN News
Posted at Sep 23 2023 01:34 AM
MANILA - Panalo ng P118,000 ang isang contestant sa palarong Rampanalo sa 'It's Showtime' ngayong Biyernes na aniya ay makatutulong para mapagamot ang kapatid nitong may cervical cancer.
"Malaki po yung kailangan ko dahil yung kapatıd ko merong cervical cancer, kailangan ng pera... Nagme-maintenance, talagang malaking pera kailangan namin," sabi ni Nanay Vilma, na taga-Bataan, sa simula ng laro.
Bagaman agad nabawasan ng P20,000 ang base money na P50,000 matapos buksan ang kahong hawak ni Ion Perez, nakabawi naman si Nanay Vilma sa mga susunod na kahong hawak nina Teddy Corpuz, Jhong Hilario, at Jackie Gonzaga.
Mula sa naipong P48,000, bahagya itong bumaba nang P3,000 matapos buksan ang kahong hawak ni Kim Chiu.
"Ok lang po kahit magkano mapanalunan ko, basta meron po akong iuwing pera," ani Nanay Vilma.
Bumalik naman agad ang swerte nang buksan ang magkasunod na kahong hawak nina JM Yosures at Lyka Estrella. Umakyat sa P126,000 ang naipong pera ni Nanay Vilma.
Ang huling kahong napili niya ay may nakalagay na '-8,000', kaya P118,000 ang premyong kaniyang napanalunan.
Ang dalawang kahong itinabi ni Nanay Vilma ay naglalaman naman ng '-15,000' at 'divided by 10'.
"Maraming, maraming salamat, Showtime, sa binigay n'yong biyaya sa amin. Kailangang kailangan po talaga namin sa panahon ngayon dahil yung kapatid ko, hindi na namin madala sa ospital dahil wala na kaming pera talaga," sabi ni Nanay Vilma.
Nagpasalamat rin siya sa mga kaibigan niyang pumilit aniya sa kaniyang sumama sa Showtime.
"May biyaya pala akong matatanggap, tayong lahat," ani Nanay Vilma.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News