MMK offers 3 special episodes on 20th anniv

Posted at Sep 23 2011 10:00 PM | Updated as of Jan 25 2017 11:15 AM

Watch more on iWantTFC

Sa pagdiriwang ng 20th anniversary ng “Maalaala Mo Kaya,” (MMK) special red carpet welcome ang hinanda para sa host nitong si Charo Santos kasama ang cast ng 3 special episodes ng MMK ngayong Oktubre.

Buena mano ang “Palawan” episode ng award-winning director na si Brillante Mendoza. Tungkol ito sa pakikibaka ng isang nabulag na ina laban sa isyu ng ilegal na pagmimina sa Palawan. Tampok dito si Angel Aquino.

Pinasilip din ang “Happy Feet” episode ng “Pilipinas Got Talent” winners, ang tap dancing duo na ginampanan nina John Prats at Nash Aguas.

Itinampok naman ng “Barcelona” episode si Jake Cuenca bilang bading na anak ni Ricky Davao.

Walong daang real-life stories ang tinalakay ng “Maalaala Mo Kaya” na hawak ang record bilang longest-running drama anthology sa Asya.

Giit ni Charo, puso ng MMK ang pagpapatingkad ng Filipino family values tulad ng sakripisyo, pagmamahal at pagharap sa pagsubok sa buhay.

Aabangan din sa “Sunday's Best” ang special MMK docu tampok ang mga rebelasyon ni Charo kay Gov. Vilma Santos.

“It’s evolution, what impact has a program made on the Filipino people. Mostly ganyan and ‘yung mga katangian naming dalawa bilang Scorpio women,” kuwento ni Charo.

Plano rin ni Charo ang mas malakas na suporta sa mga letter senders.

Aniya, “Binabalikan namin, tinitignan namin kung ano ang mangyayari sa kanila. One day, if I have more time, I would want to set up some assistance to our letter senders via counseling.”

Natatawang dagdag ni Charo, sana'y mapagpatuloy pa rin nila ang MMK sa susunod na 20 years. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino