Jinkee bets Hermes bag over Pacman's loyalty

Posted at Sep 20 2011 10:17 PM | Updated as of Jan 25 2017 01:51 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Iba ang glow at confidence ni Jinkee Pacquiao suot ang designer dress na halos kapresyo na ng kotse.

Kahit abala sa training sa Baguio ang asawa, kampante na si Jinkee na hindi na madidikit ang pangalan ng mister sa ibang babae dahil mas nahuhumaling daw si Pacman sa kanya ngayon.

Aniya, “Beauty is power, kumbaga. Parang dati nakayuko lang ako, nahihiya ako na tinitignan ako ng mga tao. So ngayon, parang happy ako na confident. ‘Yung dati na hindi niya (Manny) ginagawa, parang iba na ngayon. Tapos, chine-check niya kung anong suot. Minsan kapag lipstick [nagtatanong siya] ‘bakit red?’”

Palaban na rin si Jinkee. Hamon niya, bibigyan niya ng mamahaling Hermes bag kung sino ang makakapagpatunay na nambababae pa ang kanyang asawa.

Pinagdarasal naman ni Jinkee ang muling tagumpay ng kanyang mister.

Sa Oktubre na sila lilipad patungong Amerika para sa paghahanda ni Pacman para sa nalalapit niyang laban.

Napagkuwentuhan daw nina Jinkee at Manny ang katatapos lang na laban ni Floyd Mayweather Jr.

Pagbabahagi ni Jinkee, “Tinawagan niya ako... ‘Napanood mo ba ‘yung laban ni Mayweather?’ Sabi niya, ‘Madaya, grabe, parang nag-chi-cheat siya.’ Kumbaga, loser talaga na ‘yon na lang ‘yung strategy niya para manalo.”

Nilinaw naman ni Jinkee na hindi pa magre-retire ang Saranggani congressman. Balak pa raw sumabak ni Manny ng mga 2 laban pagkatapos kay Marquez.

Masaya ring ibinalita ni Jinkee ang katas ng hirap ni Pacman: ang pag-turnover sa kanila ng bago nilang bahay sa isang mamahaling subdivision sa Makati. Posibleng sa susunod na taon ay puwede na silang tumira rito.

“Siguro sa birthday ko or sa birthday ng anak ko magpa-bless na kami,” sabi niya.

Nalungkot naman si Jinkee sa nangyaring panloloob sa bahay nila sa Los Angeles. Mabuti na lang daw at wala namang nakuha sa bahay nila. Gretchen Fullido, Patrol ng Pilipino