April Boy has prostate cancer

Posted at Aug 17 2011 09:42 PM | Updated as of Aug 18 2011 10:47 AM

Nakilala si April Boy Regino sa napakaraming kantang pang-jukebox ika nga na pumatok nang husto lalo na masa.

Umangat ang karera ni April Boy sa mga konsiyerto at recording at ang estadong superstar sa kaniyang karera at tinernuhan ng pag-angat din ng kaniyang kabuhayan.

Pansamantalang nananahimik at nag-lie low sa karera si April Boy.

Iyon pala'y pumunta ng Amerika noong 2005.

Doon na niya nadiskubre na siya ay may malubhang sakit na prostate cancer.

Mas payat na ngayon si April Boy hindi tulad ng dating mas malaking kaha ng katawan.

Korina: Noong sinabi sa iyo ng doktor na mayroon kang prostate cancer, ano ang reaction mo?

April Boy: Parang hindi po ako makapaniwala dahil sabi ko bakit ako magkakaroon ng prostate cancer eh napakabata ko pa? Parang nagtanong po ako sa Diyos na bakit ako nagkaroon ng ganitong sakit. Cancer po ito eh. Kapag sinabi mong cancer, ang sa utak ko mamamatay ka na eh.

Korina: Ano ba ang naging sintomas? May dugo sa ihi?

April Boy: Sa sperm po, doon po nakita na may dugo.

Korina: Madeline, ikaw bilang isang asawa, ano ang naging reaction mo?

Madeline: Unang una siyempre hindi niyo ho matatanggap na mayroon siyang prostate cancer. Noong sinabi ho ng doktor iyon sa akin, bigla na lang tumulo ang luha ko. Sabi ko bakit kaya.

Dumaan sa agarang konsultasyon at paggamot si April Boy.

Ngunit sa iba't ibang pinaiinom na gamot ay nanawa si April Boy at sadyang tinigil noong 2010 ang ibinigay ng doctor.

Ngayo’y herbal na inumin lang ang kanyang pinagkakatiwalaan.

April Boy: Dati marami po akong iniinom na gamot. Lima pong gamot araw-araw. Mayroon po akong diabetes, mayroon po akong high blood, mayroong prostate cancer. Lima po ang ibinigay sa akin ng doktor. Pero sabi ko bakit pa ako iinom ng gamot, hindi ko na kailangan niyan. Mamamatay din naman ako eh. Salamat sa Diyos mayroon sa aking ibinigay na [herbal]. Iyon ang pampalakas ko ng loob... dati wala na akong pag-asa sa sex. Ngayon kicking na naman ako. Masaya na naman si Madeline.

Madeline: Sa panalangin namin, parang [sinabi] sa panaginip na umuwi kami sa Philippines. Noong last year lang po ng January iyon. Noon na po namin natuklasan po yung iniinom niya po ngayon.

Korina: Nagpa-check up ka na ba ulit?

April Boy: Natatakot po ako magpa-check up. Palagay ko po malakas na po ako dahil sa tulong ng Diyos.

Noong isang linggo lamang ay matayog at malawak pa rin ang mga pangarap ni April Boy hindi nalang para sa kanyang sarili kundi lalo na para sa anak na si JC, na gusto ring sumikat tulad ng ama at nag-recording pa ng duet album.

Korina: Anong klaseng tatay si April Boy Regino? Gaano ka ka-proud sa kanya?

JC: Proud na proud po ako. May takot po siya sa Diyos at mapagmahal sa kapwa.

April Boy: Sa mga may cancer, dapat lagi kayong magdasal. Dapat lakasan niyo ang loob niyo. Bigyan niyo ng pag-asa ang buhay niyo.