Kris hurt over Junjun Binay’s statements

Posted at Jul 18 2011 10:05 PM | Updated as of Jul 19 2011 11:05 AM

Hindi napigilan ng Queen of Talk na si Kris Aquino ang pagbuhos ng sama ng loob sa Twitter.

Nasaktan si Kris sa mga pahayag ng nauugnay sa kanyang si Makati Mayor Junjun Binay sa isang broadsheet.

Tinanong kasi si Binay kung may posibilidad ba siyang muling magpakasal matapos mabiyudo.

Pero idinaan lang sa biro ni Binay ang sagot sa pagpapakasal, hiwalayan at muling pagkakasal.

Kahit biro lang, tila patama ito sa kanya, ayon kay Kris.

Matapos mag-tweet ng ilang beses, agad ding binura ni Kris ang kanyang mga pahayag.

Sa panayam sa Queen of Talk, ipinaliwanag niya ang damdamin.

“Nagkausap na kami kagabi ni Mayor Jun. Okay naman kaya lang siguro hindi lang maaalis sa akin na... ‘Yong pagkadugtong kasi ng article was pertaining to me, tapos ‘yung pa-joke niyang sinabi sa dulo,” sabi ni Kris.

Giit din ni Kris, hindi sila nagde-date ni Mayor Binay.

“If you read it kung nagde-date kami, klarong sinabi niyang magkaibigan kami. And feeling ko lang, hindi mo ginaganoon ang kaibigan mo,” sabi ni Kris.

Ayon kay Kris, hindi siya nagsasalita para protektahan ang pagkakaibigan nila ng alkalde.

“Nalungkot talaga ako kasi okay ang pagsasama namin, okay ang pagiging magkaibigan namin. Pero dahil nalalagyan ng kulay, ang hirap maging friends,” sabi ni Kris.

Paliwanag ni Kris, sensitibo siya sa paksa ng hiwalayan at muling pagpapakasal dahil sa pinagdadaanan nila ng dating mister na si James Yap.

Paliwanag naman ni Binay, hindi niya hangad na masaktan si Kris.

Wala rin daw planong muling magpakasal ang nagluluksa pang mayor.

Desidido naman si Kris na iwasan si Mayor Binay.

“Para matapos na lang ito, keep a distance na lang ako para there’s no more reason for me to get hurt anymore,” sabi ni Kris. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino