'Paalam, Manoy': Kapamilya stars, nagbigay-pugay kay Eddie Garcia

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 09:24 PM | Updated as of Jun 21 2019 09:59 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Matapos i-cremate ang labi ng batikang aktor na si Eddie Garcia alinsunod sa kaniyang hiling, nagsimula na ang public viewing para sa kaniyang mga labi sa Heritage Memorial Park sa Taguig. 

Binuksan para sa public viewing ang lamay para kay Garcia simula alas-3 ng hapon nitong Biyernes. 

Halos 2 linggong nasa kritikal na kondisyon ang aktor dahil sa tinamong severe cervical fracture matapos aksidenteng matisod sa gitna ng isang shooting sa Maynila. 

Bago ang public viewing, kani-kaniyang pagbibigay-pugay ang mga Kapamilya stars sa yumaong aktor, na pumanaw nitong Huwebes ng hapon. 

Isa sa unang dumalaw sa burol si Coco Martin, na nakatrabaho ni Garcia sa huli nitong project sa ABS-CBN na "FPJ’s Ang Probinsyano," kung saan gumanap bilang drug lord si Garcia. 

Dito nagbigay-pugay si Martin sa batikang aktor na 7 dekadang nasa industriya. 

"Buong buhay niya, halos 'dinedicate' niya sa industriyang ito. Kaya kami, bilang artista, talagang sobrang panghihinayang kasi alam nating nag-iisa lang siya,” ani Martin. 

Kinilala rin ni Martin ang kaniyang mga natutunan kay Garcia sa kanilang pagtatrabaho sa TV series. 

"Napakaraming natutunan namin sa kanya lalo na ako. Siguro dahil napakahaba ng pagsasama namin. Every time pag may okasyon, napakaaga niyang dumarating. Tapos ako tatawagin niya kasi alam nilang hahanapin ako ni Tito Eddie," ani Martin. 

Magkahalong lungkot at panghihinayan naman ang laman ng mensahe ni Sharon Cuneta, na nakapagtrabaho sa ilalim ni Garcia sa pelikulang "Dear Heart." 

Tingin ng aktres at mang-aawit na hindi raw sana namatay si Garcia kung walang pagpapabayang nangyari. 
 
Para naman kay Judy Ann Santos, eye-opener ang pangyayaring sa kaligtasan ng mga nagtatrabaho sa industriya. 

"Sana sa nangyaring 'to, maging bukas ang isip ng mga networks sa tamang pag-aalaga, pagbigay ng sapat na kaalaman sa lahat ng taga production pagdating sa mga ganitong sitwasyon. Maaaring naiwasan sana," ani Santos sa kaniyang Instagram page. 

Mga nakakaantig na awit at kwento naman ang pinagsaluhan ng mga hosts at bisita ng "Magandang Buhay." 

Nagbigay-pugay rin ang programang "It's Showtime" kung saan kumanta ang mga hurado ng "Tawag Ng Tanghalan." 

Ikinuwento naman ni Vice Ganda ang kaniyang karanasang makasama si Garcia sa kaniyang pelikula na "Praybeyt Benjamin" kung saan si Garcia ang tumayong lolo ni Vice. 

"Dalawang beses ko siyang naging lolo sa Praybeyt Benjamin at ang tawag ko sa kanya lolo at tawag niya sa 'kin apo. I'm so proud that he is my lolo," aniya. 

Ang ABS-CBN ang magiging host ng service na inaasahang dadaluhan ng mga Kapamilya stars na nakatrabaho ni Garcia sa Biyernes. 

May gaganaping film showing kung saan ipapalabas ang tatlo sa pelikula ni Garcia. 

Magtatagal hanggang Linggo, Hunyo 23 ang public viewing para kay Garcia. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.